PatrolPH

Kaninong apelyido ang dapat dalhin ng isang illegitimate child?

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2017 10:24 AM

Una sa 10 karapatan ng isang bata ang maisilang at mabigyan ng pangalan at nasyonalidad. Pero sa kaso ng mga illegitimate child, kaninong apelyido ang dapat gamitin?

Sa Revilla Law, nakasaad na maaaring gamitin ng anak ang apelyido ng ama kahit na hindi kasal ang kanyang mga magulang.

Sa programang ‘Usapang de Campanilla’ ng DZMM, ipinaliwanag ni Atty. Claire Castro na nagkaroon ng pagbabago sa naunang Revilla Law dahil sa kaso ng isang illegitimate child na ipinipilit na gamitin ang apelyido ng ama dahil sa nasabing batas.

Para sa mga ipinanganak noong Agosto 3, 1988 hanggang Marso 18, 2004, hindi maaaring basta gamitin ang apelyido ng ama kung hindi dumaan sa korte.

Nang magsimulang umiral ang naamyendahang Revilla Law noong Marso 19, 2004, maaaring ipagamit ang apelyido ng ama sa isang illegitimate child basta may 'affidavit of paternity' o kasulatan na nagsasabing ipapagamit ng ama ang kanyang apelyido sa anak. Makikinabang dito ang mga ipinanganak sa nasabing araw hanggang sa kasalukuyan.

Bukod sa 'affidavit of paternity' o kasulatan na nagsasabing ipinapagamit ng ama ang apelyido sa anak, kailangang may pahintulot din ng ina o ng guardian ng bata bago tuluyang magamit ang apelyido ng ama.

Pagsapit ng pito hanggang 17 taong gulang ng anak, pinapayagan ng batas ang anak na magdesisyon kung gagamitin ang apelyido ng ama. Pero dahil menor de edad pa, kailangan pa rin ng pahintulot ng ina o ng guardian nito bago igawad ng korte ang kahilingan ng anak.

Pagdating ng 18 taong gulang, maaari nang magdesisyon ang anak kung anong apelyido ang kanyang gagamitin kahit na walang pahintulot ng ina o guardian. Ang kagustuhan ng anak ang kadalasang pinapaboran ng korte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.