Paano magbigay ng first aid sa taong inaatake sa puso?

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 03:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — May mga gamot na inirereseta angmga doktor para sa mga pasyenteng may sakit sa puso, na maaaring magamit bilang first aid sa oras na may mangyaring atake sa puso, ayon sa isang doktora.

Ang paggamit ng sublingual pill o iyong gamot na inilalagay sa ilalim ng dila ang isang paraan ng first aid para sa mga taong inaatake sa puso, ayon sa cardiologist na si Mariel Barcelon-Cruz.

"Kung ikaw ay nandoon ka sa bahay, kasama mo 'yong pasyente o 'yong taong may atake sa puso, tanungin mo... kung may gamot ba siya na. Kasi doon mo kukunin 'yong first aid mo," ani Barcelon-Cruz sa panayam ng "Good Vibes" sa Teleradyo.

"Karaniwan diyan 'yong mga doktor nila, nagrereseta 'yan ng mga first aid na gamot para sa sakit ng puso o sa chest pain," paliwanag niya.

Nilalagay umano sa ilalim ng dila ang naturang mga gamot para lumuwag iyong artery o ugat sa puso.

Kung marunong, mainam ding tingnan ang blood pressure o heart rate ng pasyente, at obserbahan ang consciousness o kung may malay pa ito, ani Barcelon-Cruz.

Ayon sa doktor, puwede ulit lagyan ng gamot ang ilalim ng dila ng pasyente kapag hindi nawala ang chest pain makalipas ang 3 hanggang 5 minuto mula nang unang pag-inom.

Hanggang 3 beses maaaring mag-sublingual pill ang pasyente.

"Kung 3 doses ay hindi na-relieve 'yong kaniyang chest pain, kailangan madala na siya agad sa emergency room," ani Barcelon-Cruz.

Kapag nawala naman ang paninikip ng dibdib sa tulong ng gamot, kinabukasan ay dapat magpakonsulta umano sa doktor ang pasyente.

Ayon din kay Barcelon-Cruz, may tinatawag na "golden period" para sa mga taong inaatake sa puso.

"So halimbawa, nadala 'yong pasyente sa emergency room within 6 hours to a maximum of 12 hours, medyo mataas 'yong posibilidad ng survival kasi... malalagyan ng lunas nang mas maaga ang isang pasyente," paliwanag niya.

"Pero mas maganda as early as 6 hours madala mo na siya agad sa emergency room," dagdag ng doktora.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.