PatrolPH

Lolo sa Ilocos Norte pinatayuan ng bahay ng grupo ng motorcycle riders

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 10:28 PM | Updated as of Jul 06 2020 10:56 PM

Watch more on iWantTFC

PIDDIG, Ilocos Norte — Yari sa mga lumang kahoy at lumang mga yero ang munting tirahan ng 88 taong gulang na si Feliciano Domingo mula sa Barangay Maab-abaca sa bayan na ito.

Kaya nang makita ng grupo ng motorcycle riders na Adjo Moto Club- Piddig ang sitwasyon ni Domingo, magkahalong lungkot at pagkabahala ang kanilang naramdaman.

Kuwento ng presidente ng grupo, mag-isa sa bahay ang matanda.

"Ang sitwasyon po ni lolo is mag-isa siya sa bahay niya, wala siyang anak, wala pong asawa. Mahirap po 'yung situation niya," ani Dhoodz Pajita, presidente ng AMC-Piddig.

Kaya nagtulong-tulong ang bawat kasapi ng grupo para makaipon ng pera para sa pagpapatayo ng bahay ni Domingo.

"Yung pondo po ay galing sa lahat ng members namin bale boluntaryo po sila na nagbibigay, meron po kaming mga member na nasa abroad kaya kapag nalaman po nila na mayroon po kaming charity, kusa po silang nagbibigay kaya ‘yun po ang ginamit namin na pinambili ng mga materyales," ani Pajita.

Sila rin mismo ang nagtulong-tulong sa paggawa nito.

Matapos ang 12 araw, may komportable at ligtas ng bahay si Domingo.

May pa-house blessing pa ang grupo para sa bagong bahay ni Domingo. Nagsilbi itong regalo ng grupo para sa nakalipas na Father's Day.

Sa ngayon, muling abala ang grupo sa pagpapatayo ng palikuran nito.

Dalawa hanggang 3 araw kada linggo pinapasyalan ng grupo si Domingo para matiyak na nasa maayos siyang kalagayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.