PatrolPH

Allergy ng bata sa ilang pagkain maaari bang mawala pagtanda?

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2019 03:52 PM

MAYNILA — Kadalasang dagok sa mga magulang ang allergy ng kanilang anak dahil nagiging limitado ang maaaring pagpiliiang pagkain ng pamilya.

Pero ayon kay Dr. Grace Shieh-Alag, isang pediatrician at allergist, may mga allergy ang bata na nawawala habang lumalaki ito.

Halimbawa na umano rito ang allergy sa itlog. Aniya, aabot sa 80 porsiyento ng batang allergic sa naturang pagkain ay nagiging "immune" na dito kapag umabot siya ng 3 anyos pataas.

Maaari ring nagkakaroon lamang ng allergic reaction ang bata sa isang pagkain kapag hindi ito naihain nang maayos.

Paliwanag ni Alag, puwedeng may bakterya sa pagkain na hindi hiyang sa katawan ng bata.

Payo ng doktor, isailalim sa mga pagsusuri gaya ng skin test, blood test, o serum test ang bata para makasiguro kung ano ang mga allergy nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.