'Regional designs,' dadalhin sa SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2018 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahandaan na ng mga bituin sa Kongreso ang kanilang mga susuotin sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 23. 

Nais ibida ng ilan sa mga dadalo sa taunang talumpati sa kanilang mga kasuotan ang mga disenyo mula sa mga pinanggalingan nilang panig ng bansa.

Balak itampok ni Leyte 4th District Rep. Lucy Torres-Gomez ang pinya fabric mula Ormoc.

Malamang daw ay i-recycle niya muli ang mga pinyang barong ng kabiyak niyang si Ormoc Mayor Richard Gomez.

"I recycle, I repeat. There's nothing wrong with that," sabi ni Torres-Gomez.

Banig naman ang gustong maging motif ng Tacloban City designer na si Nick Guarino para kina Leyte 1st District Rep. Yedda Romualdez at Tacloban Mayor Cristina Gonzales.

"Mix of modern and native... 'yong maipagmamalaki natin 'yong sariling Eastern Visayas designs," ani Guarino.

Pinya naman na may estilong baro't saya ang hinahanda ni Renee Salud para kay Lipa Rep. Vilma Santos.

Susuotin naman ni Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat ang isa sa mga lumang terno na ginawa ni Inno Sotto.

Pinaghahanda naman ang Davao Fashion Design Council ng mga kasuotan para kina Davao City Mayor Sara Duterte at kapatid na si Sebastian "Baste" Duterte.

Bagobo cotton na tela na sasalamin sa mga tribu at kultura ng Davao ang gustong itampok ng mga designer.

Bilang isa sa mga guest sa SONA, gusto namang suotin ni Robin Padilla ang mga indigenous design na kaniyang isinusulong.

"Pag-ibig sa lahi natin 'yon," ani Padilla.

Bumida noong nakaraang taon sa SONA red carpet ang Mindanao-inspired fashion.

BAGONG DIREKTOR

Napili naman ang box-office director na si Joyce Bernal bilang bagong direktor ng SONA.

Ayon kay Bernal, buo ang loob niya na idirek ang SONA pero pananatilihin daw niya ang kaniyang independence bilang filmmaker.

"I am committed to direct the SONA. But I will maintain my independence as a director," sabi ni Bernal sa isang pahayag.

Dating hinawakan ng award-winning director na si Brillante Mendoza ang SONA ni Duterte.

--Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.