Sekyu, nag-abono para umabot sa flight ang pasaherong pa-Guam

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2017 07:41 PM

Trending sa social media ang isang security guard na tumulong sa isang pasaherong muntik nang hindi makahabol sa kanyang international flight. 

Hindi nag-atubiling magpahiram ng pera ang guwardiya sa pasahero upang makapag-rebook ng plane ticket. 

Sa Facebook post ni JC Tisha Ferrer, idinetalye niya ang kabutihan ng guwardiyang si Wilson Jagolino sa kanyang asawang si Bob Cristi Ferrer sa Iloilo Airport. 

Aniya, sa araw ng flight ni Bob noong Hunyo 23 patungong Maynila upang makadiretso sa Guam, nadiskubre nitong mali ang na-book na tiket para sa kanya. 

Nataranta si Bob dahil hinahabol nito ang kanyang flight pa-Maynila, ngunit kulang naman ang dala nitong pera upang magpa-rebook ng ticket. 

Napansin siya ni Jagolino at nilapitan. Nang malaman ang kanyang problema, nag-alok si Jagolino ng P1,500 bilang pandagdag sa pag-rebook ng plane ticket. 

Dalawang araw ang nakalipas, binayaran ng mag-asawa ang perang hiniram kay Jagolino. 

Nagulat naman si Jagolino dahil umabot ng 15,000 likes ang post sa social media. 

"Nagpapasalamat talaga ako sa asawa niya, kay JC, sa pag-upload ng pangyayari about sa pagtulong ko sa kanila. Nagpapasalamat din ako kasi na-appreciate nila ang kaunting tulong ko," ayon kay Jagolino. 

Nagpasalamat din si Bob dahil hindi nito inakala na may tao pang kagaya ni Jagolino. Hiling din ni Bob na sana ay mas marami pang biyaya ang dumating kay Jagolino. 

Ayon sa mga kasamahan sa trabaho, ugali ni Jagolino ang tumulong sa mga nangangailangan. 

"There are uncontrollable cases. Kung baga, handling ito ng pasahero e. Na-handle niya nang maigi," ani Alfe Camposano, katrabaho ni Jagolino.

Dati rin umanong may pasaherong walang pambayad sa terminal fee ang tinulungan ni Jagolino. 

Plano naman ng airline company na bigyan ng commendation si Jagolino dahil sa kanyang ginawang kabutihan.

-- Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.