Mga nene, bitbit sa klase ang kapatid na paslit

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2017 09:26 PM

Salit-salitan sa pag-aalaga ng kanilang paslit na kapatid ang mga estudyante sa isang paaralan sa Daet, Camarines Norte habang nagtatrabaho naman ang kanilang ina. 

Sa bandang likuran ng isang klase ng mga Grade 5 students ng Julia Abilgos Elementary School, makikita ang isang nakaupong estudyanteng karga-karga ang isang sanggol habang nakikinig sa lecture ng guro. 

Siya si Rosa Mae Agripa, kasama ang bunsong kapatid na si Rosabel sa paaralan. 

Halos dalawang linggo nang isinasama ni Rosa Mae ang kapatid sa eskuwelahan dahil walang magbabantay sa bunsong kapatid kapag pumapasok sa trabaho ang kanilang nanay. 

Ayon sa kanilang guro, pinapayagan nila si Rosa Mae na dalhin ang kapatid sa eskuwelahan kaysa lumiban ito sa klase.

"Kinausap ko 'yung magulang na kung maaari ay papasukin 'yung anak. Doon namin nalaman ang ginagawa na magpalitan mag-absent para 'yung isa, magbantay. Okay naman kay Principal basta hindi makaaapekto sa klase," ayon sa gruong si Elinor Baron. 

Kapag kailangang palitan ang diaper ni Rosabel at kung may sakit ito, pumupunta sa klasrum ni Rosa Mae ang kapatid niyang si Frescila upang umagapay. 

Anim na magkakapatid sina Rosa Mae at Frescila, pero silang dalawa ang inatasang magbantay sa bunso. 

Nagtatrabaho naman bilang waitress at cook ang kanilang inang si Rosa para itaguyod ang kanilang pag-aaral, matapos silang iwan ng ama. 

Ayon kay Rosa, suwerte naman daw siya sa mga anak dahil responsable. 

Imbes na maglaro tuwing recess, hindi umaalis sa tabi ng sanggol ang magkapatid. 

Kung minsan ay nag-aambag-ambag ang mga kaklase para may maipambili ng diaper ni Rosabel. Nag-aabot din ng tulong ang kanilang guro. 

Nagtutulong-tulong ang magkakapatid upang gumaan ang dinadala ng isa't isa. 

Nagtatanim ng gulay ang panganay na si Ferlyn -- na honor student din sa klase -- bilang pandagdag sa kanilang makakain. Pumapasok din siya bilang kasambahay. 

Ayon kay Rosa, kahit gaano kahirap ang buhay, pagtitiyagaan nila basta't magkakasama. 

Nangako naman ang Department of Social Welfare and Development na tutulungan ang pamilya. 

"I will be coordinating 'yung teacher in DSWD in Camarines Norte para po maka-conduct ng home visit and assessment sa family. Kung may kailangan ng assistance pansamantala, kung hindi kayang maalagaan ng nanay 'yung 10 month old na baby, pag-usapan 'yung temporary placement ng bata until makapag-establish 'yung nanay na kaya niya nang alagaan 'yung bata. Puwede naman nating i-tap 'yung DOLE at 'yung iba pang agencies na puwedeng makatulong sa kanila," ayon kay Marice Ordinario, isang social worker. 

-- Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.