Gamit gawang Tacloban, Marawi, tulong sa mga komunidad

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2017 10:44 PM | Updated as of Jul 04 2017 03:58 AM

Sa mga gustong bumili ng dekalidad at abot-kayang produkto, maaaring tangkilikin ang mga lokal na produktong ginagawa at nakatutulong din sa mga nasalantang komunidad na bahagi ng tinatawag na 'social enterprise'. Ilan sa mga komunidad na natutulungan ay mula sa Tacloban, Marawi, Payatas, at marami pang iba.

Isa sa mga social enterprise na ito ay ang ASAM Project ng non-government organization na GKnomics. Ibinibida sa proyektong ito ang mga dekalidad na produktong gawa ng higit 80 komunidad mula Payatas, Quezon City, Bohol, Davao, at Lake Sebu sa South Cotabato. 

Marami sa mga gumawa ng mga produkto ay mga nanay mula sa mga lugar kung saan nagtayo ng mga bahay ang Gawad Kalinga. 

Ito ang nagsilbing hanapbuhay ng mga residente sa ilalim ng mga livelihood program ng organisasyon. 

"Nakita naming marami sa kanila ang walang ginagawa, kaya we offered to help para maging productive. Going global na kami. Help communities earn living and be healthy," ayon kina Anna Roman Katigbak, ang nagsimula ng social enterprise, at Rose Cabrera, executive director ng GKnomics.

Ngayon, umabot na ng higit 200 produkto ang nagagawa ng mga komunidad. 

Ilan sa kanilang mga produkto ay pasta na gawa sa mga gulay gaya ng dahon ng camote at malunggay mula Tacloban, at journal na gawa sa recycled paper at dahon ng pandan mula sa Bacolod.

Mayroon ding ginantsilyong Marawi pouch na gawa sa recycled plastic. Bahagi ng kita rito ay mapupunta sa mga apektado ng gulo sa Marawi.

Gawa naman ng mga komunidad na sinalanta ng bagyong Yolanda sa Bantayan Island, Cebu ang mga dried danggit at pusit products. Bukod sa tinulungan nito ang komunidad na makabangon mula sa trahedya, naturuan din sila ng responsableng pangingisda. 

Tinutulungan naman ng GKnomics ang mga komunidad na ito na maibenta ang mga produkto sa mga pamilihan sa loob at labas ng bansa gaya ng Europa at Amerika.

Ayon sa mga naglunsad ng social enterprise, patunay lang ang mga produkto nila na puwedeng makagawa ng abot-kaya at de kalidad na produktong Pinoy habang tinutulungan din na makaahon sa hirap ang maraming komunidad. 

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.