PatrolPH

Nanay binigyan ng free make-up service sa SHS graduation pictorial

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2022 12:31 PM

Ibinahagi ng isang make-up artist mula sa bayan ng Mondragon, Northern Samar sa social media ang mga larawan ng isang 48-anyos na ginang na binigyan niya ng libreng make-up services para sa graduation pictorial nito sa senior high school.

Kwento ng make-up artist na si Edmar De Alca, sumama siya sa graduation pictorial ng kapatid sa Mondragon Agro-Industrial High School para ayusan ito.

Napansin niya ang isang nanay na may kasamang bata. Inakala daw niyang nanay ito ng isa sa mga estudyante pero ipinagtaka niya kung bakit ito nakasuot ng uniporme ng senior high school. 

Naikwento ng kaniyang katabi na estudyante pala ito. 

 

Ani Edmar, napansin niyang naka-lipstick at naka-simpleng ayos lang ng buhok ang ginang na si Merlita Barrientos.

Kaya nilapitan niya ito at tinanong kung papayag ba itong bigyan ng make-up. Tumanggi umano si Barrientos dahil wala daw itong pambayad. 

Pero nang sabihan niyang aayusan niya ito ng libre, pumayag na rin ito.

Mas humanga pa ang make-up artist kay Aling Merlita nang malaman niyang nagkamit ito ng pagkilala bilang With Honors.

"Nakaka-proud lang kasi si Nanay na sa edad niyang 48 years old nakapagtapos siya ng senior high school. Nakakataba ng puso tumulong sa nangangailangan ng tulong lalo na si nanay proud na proud po ako sa kanya," ani Edmar.—Ulat ni Sharon Evite

KAUGNAY NA BALITA

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.