'Drive thru graduation' ng isang high school sa Bacolod, naging madamdamin

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 03:42 AM | Updated as of Jul 02 2020 08:58 AM

Imbes na mag-martsa ay isinakay ang mga estudyante sa kani-kanilang mga sasakyan ng Bacolod Taytung High School para sa kanilang graduation. Kuha ni Angelo Caracho

BACOLOD - Nagmistulang drive-thru ang ginanap na graduation ceremony ng mga senior high school sa Bacolod Taytung High School dito sa lungsod nitong Martes.

Imbes na mag-martsa ay isinakay ang mga estudyante sa kani-kanilang sasakyan hanggang maka-abot sa entablado, kung saan kasabay nila ang kanilang magulang sa pagkuha ng diploma at medal.

Laking pasasalamat ng karamihan sa 90 graduates at nang kanilang magulang na kahit sa maikling panahon ay nakapag-bigay pugay at pasasalamat sila sa mga guro at staff ng eskwelahan sa kabila ng hinaharap na coronavirus pandemic.

Ayon sa pamunuan ng paaralan, siniguro nila na naipatupad ang health protocol matapos aprubahan ng Department of Education ang pick-up graduation ceremony.

"We just want to make it special for them," ani Philip Carpina, principal ng Bacolod Taytung High School.

Gumamit ng facemask ang mga graduates at kanilang magulang pati na ang mga guro at staff na siyang nag-facilitate ng seremonya.

Magkalayo din pati ang mga sasakyan at striktong pinasiguro ng pamunuan ng eskwelahan na maiwasan ang pagkakaroon ng direct contact.

"But we missed the usual hugging and handshakes with parents and students," ani Carpina.

Labis naman ang galak ng mga graduates gaya ni Audrey Su na ipinagmamalaki ang kanilang alma mater.

"This ceremony is an act of love amidst this pandemic. An act of love of a school towards the students. We batch 2020 are extremely grateful. So shoutout to our teachers and staff at Taytung, we love you all," ani Su.

Naniniwala ang mga kasapi ng school community na higit sa naisakatuparan na alala ay maihanda rin ang mga graduates pati na ang buong eskwelahan sa haharapin pang mga pagsubok ngayon may pandemic.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.