'Oral sex, maaaring magdulot ng cancer'

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2018 06:37 PM

 Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay. 

Itinuturing man ng ilang mag-asawa na pampatingkad ng kanilang pagtatalik ang oral sex, may babala ang isang doktor ukol dito.

Batay kasi sa isang pag-aaral sa Amerika, maaaring magdulot ng cancer ang oral sex. 

"Oral sex is linked to throat cancer," ani Dr. Lulu Marquez sa kaniyang programang "Private Nights" sa DZMM. "You've heard about HPV, human papillomavirus--that will be the cause of the throat cancer."

"Masarap 'yan, pero ingat."

Base rin sa parehong pagsasaliksik na ginawa sa Amerika, mas mataas ang tsansang magkaroon ng cancer sa lalamunan ang mga nag-o-oral sex sa iba't ibang partner at iyong mahilig sa casual sex o ang pakikipagtalik sa hindi karelasyon.

"It could show a greater risk for oropharyngeal cancer in people that had oral sex with at least six different partners," sabi ni Marquez. "Both men and women can have HPV infection in the throat, it does not discriminate by gender."

Maaari naman aniyang gumaling mula sa throat cancer ang dinapuan nitong sakit basta't siya'y na-diagnose agad at mabilis ding sumailalim sa gamutan. 

Para makaiwas sa throat cancer, ipinayo ng doktor na umiwas sa casual sex at kung maaari'y magbakuna rin kontra sa HPV. 

Nagpaalala rin si Marquez sa mga mag-asawang nag-o-oral sex na hindi dapat sapilitan ang paggawa nito.

"Oral sex enhances some adult relationship... but it can also cause problems kapag pinilit mo ang partner mo." 

Dagdag pa ni Marquez, hindi man nakabubuntis ang oral sex, hindi pa rin ito maituturing na safe sex o ligtas na uri ng pakikipagniig dahil puwedeng magkaroon ng sexually-transmitted disease (STD) mula rito.

"Two percent of [American] teenagers who said they only had oral sex, they caught STD," banggit ni Marquez sa pag-aaral na ginawa sa Amerika kung saan karaniwan daw ang oral sex sa teenagers.

Ipinaliwanag din ni Marquez ang dalawang iba pang bansag sa oral sex.

"Cunnilingus is when the man is doing oral sex sa woman... if the woman makes oral sex sa man, it's called fellatio."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.