PatrolPH

Bakit tayo nagsasabi ng white lies? Eksperto may paliwanag

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2019 02:54 PM | Updated as of Jul 01 2019 03:10 PM

Watch more News on iWantTFC

Nasubukan mo na bang matanong ng iyong kaibigan kung bagay sa kaniya ang kaniyang suot at sumang-ayon ka kahit sa tingin mo ay hindi naman?

Ang nabanggit na sitwasyon ay halimbawa ng tinatawag na white lie o iyong pagsisinungaling na hindi nakasasakit.

Pero bakit nga ba nagbibitiw ng white lie ang mga tao?

Ayon sa clinical psychologist na si Ronald Recio, mula sa sikolohikal na pananaw, nagpapanatili ng kaayusan sa mga pagsasama ang white lie kaya may mga taong gumagawa nito. 

"We do it kasi ayaw natin makasakit ng damdamin, ayaw natin maka-offend. Influenced 'yan by compassion," sabi ni Recio sa programang "Sakto" ng DZMM. 

Mayroon din umanong pansariling motibo ang isang tao kaya siya nagbibitiw ng white lie.

"Para di rin tayo malagay sa pangit na lugar," ani Recio.

Nang tanungin kung tama ba ang pagsasabi ng white lie, sinabi ni Recio na para sa kaniya, nakadepende ito sa pinanggagalingan ng pagsisinungaling ng tao.

"Personally, I would say, 'What is the reason why you engage in it? Are you trying to protect yourself? Are you trying to protect someone from something?'" aniya.

Pero may iba raw mga sikolohistang (psychologist) nagsasabing bahagi na ng kilos ng lipunan ang white lies.

"To some degree kailangan din natin siya para lahat tayo, hindi tayo magpatayan," paliwanag ni Recio.

Ibinahagi naman ni Recio na nakababahala na ang pagsisinungaling ng isang tao kapag ito ay nauwi sa pathological lying o nakagawian na.

"It's an area of clinical concern kasi parang walang reason na nga, nagsisinungaling na lang siya," ani Recio.

Kapag nakaugalian na umano ng isang tao ang magsinungaling, maaaring siyang maging "out of contact with reality" o hindi na matukoy kung ano talaga ang totoo. 

Pero puwede naman daw sumailalim sa therapy at bigyan ng gamot ang mga pathological liar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.