'ASAP TLC': Mag-asawa, nag-prenup shoot sa gitna ng bagyo

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2018 04:14 PM

Hindi naging alintana ang masamang panahon sa pag-iisang dibdib nina Thom at Grace Balba.

Itinampok sa segment na "TLC" ng "ASAP" nitong Linggo ang kuwento nina Thom at Grace, na sinuong ang mga bagyo para lang mairaos ang kanilang prenup shoot at mismong kasal.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hunyo 2016 nang ma-engage ang dalawa, na nag-aral sa parehong paaralan noong high school at muling nagtagpo sa kanilang reunion matapos ang kolehiyo.

Makalipas ang higit isang taon, sa hindi inaasahang pagkakataon, sinabayan ang kanilang prenup shoot ng pagpapaulan ng mga bagyong Gorio at Huaning.

"No'ng magsho-shoot kami, nandyan si bagyong Gorio and then no'ng araw na mismo ng shoot namin, paalis na si Gorio, papasok naman si Huaning," kuwento ni Thom.

"Hindi kami makapag-decide na i-cancel kaagad kasi nakapag-down na kami sa mga suppliers," sabi naman ni Grace.

Nabasa man ang kanilang attire, maganda naman daw ang kinahinatnan ng prenup shoot.

"Noong lumabas 'yong pre-nup video namin so, ayun nagulat kami ni Grace na sobrang galing. Sobrang sulit," ani Thom.

Halos idikit na ng kanilang mga kakilala ang relasyon ng dalawa sa masamang panahon dahil maging ang mismong araw ng kanilang kasal noong Oktubre 2017 ay inulan.

"Noong wedding day, ganoon din, umuulan. So 'yong mga guests [sinabi], 'Itong dalawang 'to, kakambal na ata ng ulan,'" kuwento ni Grace.

Matatag na relasyon naman ang pangako ng dalawa sa isa't isa sa kabila ng mga pinagdaanan.

"Umaraw man o umulan, pagpapatuloy lang natin ang buhay natin," sabi ni Thom.

"Kahit ano'ng bagyo ang dumaan or dumating sa buhay natin, nandito lang ako, 'di kita iiwan," mensahe naman ng misis.

Handog nina Daryl Ong at Angeline Quinto ang awiting "Umaaraw, Umuulan" ng Rivermaya para sa mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.