PatrolPH

Trans fat paano nagdudulot ng mga sakit sa puso?

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2019 02:58 PM | Updated as of Jun 30 2019 03:56 PM

Watch more on iWantTFC

Nagbabala ang isang doktora ukol sa masamang uri ng taba na nakukuha sa mga mamantikang pagkain, na aniya'y nagdudulot ng mga sakit sa puso.

Ayon kay Dr. Louella Santos, isang lipidologist mula sa Philippine Heart Association, pinapataas ng trans fat ang masamang kolesterol sa katawan ng tao na maaaring makapagpabara sa mga daluyan ng dugo.

"Ang kinakatakutan natin sa trans fat, kapag maraming trans fat ang kinakain natin, nakababa siya ng good cholesterol at nakakataas siya ng bad cholesterol," ani Santos sa programang "Salamat Dok."

"Kung ang binarahan niyang ugat, nasa puso, heart attack ang puwedeng mangyari o coronary artery disease. 'Pag ang binarahan niyang ugat sa utak, stroke [ang puwedeng mangyari]," dagdag ni Santos.

Ipinaliwanag ng doktora na nakukuha ang trans fat sa mga pagkaing dumaan sa proseso ng hydrogenation, na ginagawa aniya ng mga manufacturer para humaba iyong buhay o shelf life ng pagkain.

"Ang problema kapag 'yong oil undergoes partial hydrogenation, ang nangyayari namumuo 'yong oil na dapat liquid at room temperature," ani Santos.

Ilan sa mga maaaring makuhanan ng trans fat ay ang mga pritong pagkain gaya ng french fries, chicken nuggets, at fried chicken, ayon kay Santos.

Maaari rin umano makuhaan ng trans fat ang potato chips, pop corn, donuts, at cookies.

"'Yong mga commercially-available na baked products gaya ng cake, cookies, pan de sal na ginagamitan ng margarine, punong-puno ito ng trans fat," dagdag ni Santos.

Subalit puwede naman umanong kumain ng mga pagkaing mayaman sa good cholesterol na pangontra sa bad cholesterol gaya ng mga isda, prutas, tokwa, kasoy, at gatas.

Ipinayo rin ni Santos na isang beses lamang gamitin ang mantika sa pagprito.

"Kapag inulit-ulit nating gamitin, nagiging lard siya o iyong mga taba na namumuo," aniya.

Tinatayang nasa 500,000 tao ang namamatay kada taon dahil sa mga sakit sa pusong bunsod ng trans fat, ayon sa ulat ng World Health Organization noong 2018.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.