Tacloban City, nagliwanag kasabay ng Sangyaw Parade of Lights

Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2019 06:58 PM

TACLOBAN CITY -- Nagliwanag ang Tacloban City kasabay ng Sangyaw Festival of Lights Sabado ng gabi.

Bago pa man nagsimula ang parada ay bumuhos na ang malakas na ulan.

Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang mga manonood at naglabas na lamang ng mga payong.

Sa saliw ng Sangyaw beat, sumayaw ang mga dancers habang suot ang kanilang makukulay at nagliliwanag na mga costume.

Umiilaw ang mga headdress, damit at dalang props ng mga mananayaw.

Pumarada rin ang iba't ibang float na may sari-saring disenyo.

Mayroong mga float na nagpakita ng istorya ng pagkawala at muling pagbalik ng imahe ng Santo Niño de Tacloban. Mayroon ring nagpapakita ng masaganang huli sa pangingisda sa Samar.

Bida sa bawat float ang patron ng Tacloban City na si Santo Niño.

Ibinida rin sa parada ang float ng Tacloban City na tatlong beses nang nag-grand champion sa Aliwan Festival.

Sumali rin sa parada ang mga lalawigan ng Maguindanao at Sultan Kudarat na kapwa ipinakita ang kanilang makulay na kultura.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.