Tinuyang 'taong bangus,' inspirasyon ang dala sa pagtatapos sa kolehiyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2018 12:18 AM | Updated as of Jul 15 2019 03:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi inalintana ng isang dalaga sa lalawigan ng Abra ang pangungutya ng ibang tao upang makapagtapos ng pag-aaral.

Kamakailan ay nagtapos si Cindy Malangen, 21-anyos, sa kursong Bachelor of Science in Civil Engineering sa kabila ng sakit na iniinda.

Dinapuan si Cindy ng sakit na harlequin ichthyosis, isang uri ng kondisyon sa balat.

Maging kapatid niyang si Wendy Malangen ay dumaranas ng nasabing karamdaman sa balat.

Bunsod ng kanilang kondisyon, tila nagkakaroon ng kaliskis ang mga balat nila kaya't nagiging tampulan sila ng tukso dati.

Tinatawag pa silang "taong bangus" ng ilang tumutuya sa kanilang kondisyon.

Ngunit matapos maitampok ang kanilang kuwento sa Lingkod Kapamilya at programang "Maalala Mo Kaya" limang taon na ang nakalilipas, tumaas anila ang kumpiyansa nila sa sarili.

"Naging matatag po ako, hindi na po ako mahiyain" ani Cindy.

Naging aktibo rin si Cindy sa kanilang komunidad at nanalo pa bilang kagawad ng Sangguniang Kabataan.

Labis din na ikinagagalak ni Cindy na abot-kamay na niya ang pangarap.

Batid din ni Cindy na kailangan niyang suklian ang sakripisyo ng kapatid na si Wendy na piniling tumigil muna sa eskuwela upang magbigay-daan sa pag-aaral niya.

"Ang wish ko po makapagtrabaho po ako para mapag-aral ko po siya," ani Cindy tungkol sa kapatid na si Wendy.

Naghahanda na si Cindy sa isang review center sa Maynila para sa nalalapit niyang licensure exam.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.