PatrolPH

Sab-uyan Festival isinagawa sa Pola, Oriental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2021 01:18 PM | Updated as of Jun 28 2021 02:21 PM

Watch more News on iWantTFC

Sa kabila ng COVID-19 pandemic, idinaos ang Sab-uyan Festival sa bayan ng Pola, Oriental Mindoro bilang pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Bautista.

Isinagawa ang fluvial procession kay St. John the Baptist bilang bahagi ng taunang pista pero nasa higit 20 bangka lang ang sumama sa prusisyon sa dagat dahil sa pandemya.

Mahigpit pa rin kasing ipinatutupad ang health protocols kahit nasa modified general community quarantine na ang probinsiya.

"Sobrang sarap ng pakiramdam, kahit papaano, naipagdiwang natin, nagawan natin ng paraan na hindi masikip," sabi ni Pola Mayor Jennifer Alegre-Cruz.

Nagkaroon din ng maiksing prusisyon pabalik ng simbahan sa Pola pero limitado lang ang bilang ng mga pinayagang sumama.

Hindi rin nawala ang basaan ng tubig na pinakasentro ng pagdiriwang ng Sab-uyan Festival.

Natuwa naman ang mga debotong natuloy ang pagdiriwang ng pista sa kabila ng pandemya.

"Hindi namin inaasahan na tuloy ito kasi mayroon po protocol kaya masayang masaya po kami," sabi ni Janet Penascosa.

"Ang panalangin ko po ay manumbalik na po 'yong dati. Sana po sa pamamagitan ni San Juan ay bumalik na sa lahat," dagdag niya.

Sa bayan naman ng San Nicolas, Batangas, sa kauna-unahang pagkakataon, hindi lechong baboy kung 'di lechong rabbit ang ipinarada.

Sampung kuneho ang nilitson pero iparada, na bahagi rin ng pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Bautista.

Ayon kay Rolanda Balbacal, organizer ng parada ng lechon rabbit, nais niyang makilala pa lalo ang industriya ng karneng rabbit sa Pilipinas na puwedeng pamalit sa karneng baboy.

Layunin din umano ng parada ng lechon rabbit na mahikayat ang publikong mag-alaga ng rabbit dahil malaki ang potensiyal na kumita sa negosyong ito.

Nasa higit 3,000 ang populasyon ng rabbit sa San Nicolas.

- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.