Winakasan na ng Korte Suprema ang pagtatalo ng dalawang lechon makers sa Pilipinas. Elars Lechon FB Page
MAYNILA — Winakasan na ng Korte Suprema kamakailan ang pagtatalo ng dalawang lechon makers sa Pilipinas.
Sa desisyon ng Supreme Court (SC), pinaboran nito ang Elarfoods, Inc. o ang gumagawa ng Elars Lechon kontra sa nanggaya ditong Elarz Lechon ng Emzee, Inc.
Ang Elars Lechon ay nagsimula ng kanilang negosyo noon pang 1970s sa pangunguna ng mag-asawang Jose at Leonor Lontoc.
Na-incorporate ang Elarfoods noong 1989 at naging tanyag sa alok na "ELARS LECHON ON A BAMBOO TRAY."
Pero lingid umano sa kaalaman at permiso ng Elarfoods, gumawa ang Emzee ng sariling lechon na tinawag nitong "Elarz Lechon," dahilan para akalain na branch ito ng Elars.
Natuklasan din na ang mga opisyal ng Emzee ay dating nagtatrabaho sa Elarfoods.
Ayon sa SC First Division na nagbaba ng hatol, masyadong halata ang panggagaya ng Emzee sa produkto ng Elarfoods.
Sabi ng korte, S at Z lang ang pinagkaiba ng dalawang pangalan, at magkatunog pa ito.
Dahil dito, inatasan ng SC na tigilan na ng Emzee ang paggamit sa mga salitang "Elarz Lechon," "Elar Lechon," "pig device," at "on a bamboo tray" sa kanilang mga produkto.
"In fine, petitioner's use of marks similar to those of the respondent's constitutes a violation of the latter's intellectual property rights. It is high time for petitioner to desist from conveniently latching on to the good will and reputation built by the respondent over the years," anang Korte Suprema.
Alinsunod ito sa nauna nang desisyon ng Court of Appeals noong 2015.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, Elars Lechon, Elarz Lechon, lechon, Korte Suprema, SC, Supreme Court, intellectual property