Psychiatrist may tips para makayanan ang anxiety, depression ngayong may COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2020 03:07 PM

MAYNILA — Normal na makaranas ng pangamba at kalungkutan sa takbo ng buhay ng mga tao sa gitna ng mga pagbabagong dulot ng coronavirus pandemic, ayon sa isang psychiatrist.

Ayon kay Dr. Joan Mae Rifareal, hindi maiwasang makaramdam ng takot at kalungkutan dahil nawalan ng kontrol at kasiguraduhan ang mga tao kaugnay sa takbo ng kanilang mga buhay.

 

"It's okay na i-acknowledge natin 'yong ating feelings ngayon kung tayo ay nalulungkot, nangangamba, nagwo-worry, nase-stress," ani Rifareal sa panayam ng "Salamat Dok."

"Ito ay hindi sign ng weakness ng ating character kasi talagang lahat tayo nakakaranas ngayon ng uncertainty," paliwanag ng doktora.

Dahil dito, nagbigay ng ilang "healthy coping skills" si Rifareal tulad ng pagkain ng mga masustansiyang pagkain, pagkakaroon ng maayos na tulog, at pagpapanatili ng "social connectedness" o relasyon sa ibang tao.

Ipinayo rin ni Rifareal ang paglilimita sa paggamit ng social media.

Hangga't maaari ay 2 beses na lang aniya mag-check ng social media feed sa isang araw.

"Too much of social media also can add to our anxiety. Nakakadagdag din siya sa mga information, nagiging overwhelming din kapag minsan," ani Rifareal.

Aniya, mainam ding iwasan ang "negative coping skills" tulad ng pag-inom ng alak.

Maganda rin ang pagkakaroon ng routine sa gitna ng new normal na dulot ng pandemic, sabi niya.

"May daily routine pa rin tayong fina-follow kasi it will give us that sense of parang everyday, mayroon tayong purpose," aniya.

Ayon kay Rifareal, bagaman normal sa mga ganitong panahong makaramdam ng pangamba at kalungkutan, maaari itong maituring nang "disorder" kapag nakakaapekto na ang mga emosyon sa pang-araw-araw na gawain ng tao.

"Kapag sinabi na natin na disorder na... mayroon na itong kasabay na functional impairment o parang naaapektuhan na 'yong mga pang-araw-araw na gawain, hindi na natin nagagampanan ang ating roles," paliwanag niya.

Mahalaga umanong maging bukas ang mga tao sa pakikinig sa ibang nais magbahagi ng kanilang mga nararamdamang pangamba o kalungkutan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.