TIPS: Mga dapat tandaan kapag magmamaneho sa ulan

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 03:06 PM | Updated as of Jun 28 2019 03:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sanhi minsan ng aksidente o pagkasira ng sasakyan ang pagbaybay sa madudulas na kalsada dulot ng malakas na ulan o kaya ay matinding baha.

Para maiwasan ang aksidente, may mga payo na ibinahagi si Gus Lagman, pinuno ng Automobile Association of the Philippines sa programang "Sakto" ng DZMM.

Una, importante aniyang bagalan ang takbo ng sasakyan kapag madulas ang daan. Dapat mas mabagal umano ito sa nakasanayan nang pagpapatakbo ng sasakyan para may oras makapagpreno ang motorista kung kailangan.

"Ang goal diyan, dapat mapreno mo 'yung kotse mo sa stopping distance," ani Lagman.

Pinaiiwas naman ni Lagman ang mga motorista na gamitin ang hazard lights sa ulan, maliban na lamang kung ipapahiwatig ng drayber na may problema ang kaniyang sasakyan.

'Pag isusuong naman ang sasakyan sa baha ay ipinayo ni Lagman na dapat wala itong makakasabay na sasakyan na sumusuong sa baha. Dapat ding seguraduhing tuloy-tuloy ang pagtakbo ng sasakyan kapag ilulusong ito sa baha.

Dapat din aniyang gamitin ang tamang clutch para rito.

"Pag may huminto, huwag kang pumasok. Pero kung wala naman at kaya naman ng kotse, usually nasa second gear (kung manual transmission)," ani Lagman.

"Dapat naka-gasolina ka, para iyong puwersa mo palabas at hindi pasukin ng tubig (ang tambutso)."

Hindi na rin ipinapayo ni Lagman ang paglalabas ng kamay tuwing sumesenyas.

Importante rin daw na alam ng nagmamaneho kung ano ang nangyayari sa kaniyang paligid kahit pa man hindi makita ang daan sa lakas ng ulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.