PatrolPH

ALAMIN: Pang-matanda lang ba ang gout?

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 03:53 PM

Watch more on iWantTFC

Madalas na sinasabing para lang sa matatanda ang gout, isang uri ng sakit na nagdudulot ng kirot sa mga kasukasuan, lalo na sa paa, bunga ng labis na uric acid.

Pero ayon sa isang rheumatologist, maaari ring magkaroon ng gout ang mga kabataang 20 anyos pataas. 

“Younger individuals patients as early as their 20s [can get gout],” ani Jing Zamora, isang rheumatologist, sa programang “Good Vibes” ng DZMM. 

Ayon kay Zamora, bagama’t mas talamak ang sakit sa matatanda ay maaaring mamana ang gout sa murang edad. 

Partikular na aniya rito ang mga kalalakihan na mataas ang uric acid, kemikal na siyang dahilan para mamuo ang gout sa katawan. 

Para mabawasan ang nararamdamang kirot, ipinapayo ni Zamora na kung maaari ay umiwas sa mga pagkaing may uric acid. 

Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay mawawala ang kirot kapag iniwasan ang mga ito, lalo na kung namana ang sakit sa mga kaanak. 
Kung ganoon, ayon kay Zamora, mahalagang magpatingin sa doktor para makakuha ng pang-maintenance na gamot. 

“Sila yung mga pasyente na talagang overproducers mataas sila magproduce ng uric acid because of their genetic makeup at kahit tanggalin nila iyong mga sinasabi na bawal, mataas pa rin ang uric acid,” ani Zamora. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.