PatrolPH

Iloilo River off-limits muna sa selebrasyon ng piyesta ni San Juan de Bautista

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 04:40 AM

Iloilo River off-limits muna sa selebrasyon ng piyesta ni San Juan de Bautista 1
Sa kabila ng pagbabawal ng pagligo sa Iloilo River, meron pa ring sumuway sa utos ng pulisya. Nony Basco, ABS-CBN News

ILOILO CITY — Pinagbawalan muna ang mga residente ng mga awtoridad na maligo sa Iloilo River sa selebrasyon ng piyesta ni San Juan de Bautista.

Kaya’t kanya-kanyang kuha na lang ng tubig sa ilog ang mga residente at naligo na lang sa gilid ng daan.

Naligo na lang ang mga bata sa inflatable pool sa loob ng isang compound sa Barangay De la Rama dahil bawal din silang lumabas.

Mahigpit kasing ipinapatupad ng mga pulis ang mga quarantine protocol dahil sa umiiral na modified general community quarantine sa lungsod ng Iloilo.

Maliban sa mga tanod na nagbabantay, nagpatrolya rin ang mga pulis sabay sita sa mga nagtitipon-tipon sa gilid ng daan.

Giit ng pulisya, bawal maligo sa ilog ngayong kapistahan ni San Juan dahil sa ipinapatupad na quarantine protocol.

Sa kabila ng pagbabawal, meron pa ring sumuway sa utos ng pulisya. Ilang kalalakihan ang biglang tumalon at naligo sa ilog nang umalis na ang mga awtoridad.

Giit ng mga residente, tradisyon na nila ang maligo sa ilog kapag piyesta ni San Juan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.