PatrolPH

ALAMIN: Ano ang tuob o steam inhalation

Carine Asutilla, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 06:35 PM | Updated as of Jun 25 2020 08:24 PM

Watch more on iWantTFC

CEBU CITY — Inirekomenda ng provincial government ng Cebu ang paggamit ng tuob o steam inhalation sa mga empleyado nito sa kapitolyo sa gitna ng pandemyang COVID-19. 

Ang steam inhalation o tuob sa visayas ay ang pagpapakulo ng tubig at ang singaw nito ang lalanghapin habang nasa ilalim ng kumot o tuwalya. 
    
Pinag-aaralan ngayon ni Dr. Dale Pasco, isang surgeon at dating propesor ng medisina, kung gaano ba kaepektibo ang steam inhalation laban sa COVID-19.
    
Ayon kay Pasco, 60 ang COVID-19 positive na ang kaniyang naging pasyente. Dagdag ng doktor, ginawa nila ang steam inhalation at gumaan ang kanilang pakiramdam, naging negatibo din sila sa sakit kalaunan.

"The rationale of steam inhalation is that, the virus dies at 98 degree Fahrenheit, which is 36.6 degree Celsius. And the boiling water is at 100 degrees. So, it is far above what can kill the virus. If there's a 40 percent humidity, the virus really dies. So, I don't wonder why tuob (steam inhalation) is really effective against the positive cases," ani Pasco.

Pati si Cebu Governor Gwendolyn Garcia, naniniwalang epektibo ang tuob. Naglabas siya ng memorandum sa mga empleyado ng provincial capitol na gawin ang pagtuob nang dalawang beses sa isang araw sa kani-kanilang workstation laban sa COVID-19.

Pero hindi ito sinang-ayunan ng medical professionals sa Cebu, bagay na ikinadismaya ni Garcia.

Trending sa Twitter ang di umano'y doctor shaming na ginawa ni Garcia. Ayon sa mga netizen, hindi kailangang ipahiya ng gobernador ang mga doktor na nagbubuwis ng kanilang buhay ngayong may pandemic.

Ayon sa kampo ni Garcia, may mataas na respeto ang gobernador sa mga frontliner. Dagdag nila, hindi naman sinasabi ni Garcia na lunas sa COVID-19 ang tuob. 

Ayon sa pulmonologist na si Camilo Roa, makatutulong ang tuob para makahinga nang maayos ang pasyente pero hindi nito mapapatay ang virus.

"The warm steaming water gives off moisture to the upper airway. And those with colds, they feel better. It’s soothing and so they like it. By itself, it’s okay. I saw that some people are using it to prevent, some people are using it for post-exposure treatment. That one we don’t have evidence. It’s a practice without scientific basis," ani Roa.

"For one, baka magkaroon ng false sense of security na 'ok nag tuob na ako, I don’t have it anymore and I’ll probably not have it for a while.' There’s no such data and literature. The other one, doing the tuob creates a potential for aerosol generation," dagdag niya.

Hindi naman ineendorso ng Department of Health sa Central Visayas ang tuob bilang gamot bagama't hindi nila pinipigilan ang mga tao na gumamit nito, pinayuhan pa rin nila ang publiko na mag-ingat dahil baka mapaso.

Ayon naman sa mga grupo ng mga doktor sa Pilipinas, nakatutulong ang steam inhalation o tuob para gumaan ang pakiramdam ng mga may ubo at sipon, dalawa sa mga sintomas ng COVID-19.
    
Pero ayon sa kanila, hindi napapatay ng steam inhalation o tuob ang virus ng COVID-19. 
    
Dagdag nila, pinakaepektibo pa rin na paraan para makaiwas sa COVID-19 ang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, at physical distancing. 

 Ang steam inhalation ay kilala rin bilang suob sa bahaging katagalugan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.