Bakit nagkakaroon ng 'boobs' ang lalaki?

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 08:40 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Mayroong medikal na dahilan ang kakaibang paglaki ng dibdib ng ilang lalaki o iyong kolokyal na tinatawag na "man boobs."

Ipinaliwanag ng isang doktor ang kondisyong gynaecomastia na maaaring maranasan ng sinumang lalaki, anuman ang kaniyang edad o timbang.

"Ito [gynaecomastia] po ay development ng breasts ng lalaki, abnormally large mammary glands sa lalaki resulting in breast enlargement," ani Dr. Lulu Marquez sa kaniyang programang "Private Nights" sa DZMM.

"It can happen in males of any age or weight. Sabi nila sa matataba lang daw pero puwede rin pong nakikita 'yan kahit na slim lang 'yong lalaki, mayroon din siyang boobs."

Dagdag ng doktor, karaniwang nakararanas ng man boobs ang mga nagbibinata o di kaya naman ay iyong mga nagkakaedad na.

"Ang gynaecomastia is very very common in boys going through puberty, happening in more than half of all normal adolescent males, and it usually goes away over time," sabi ni Marquez. 

"In older men, sa mga may edad, enlargement of the breast tissue happens in about one-third of men. In about half of the cases, enlargement is found in both breasts... in other cases, it only affects one breast."

Isa sa mga itinuturong dahilan ng gynaecomastia ay ang hormonal imbalance partikular na sa hormones na testosterone at estrogen.

Sabi rin ni Marquez, puwedeng magdulot ng gynaecomastia ang ilang klase ng pagkain, produkto, at maging gamot.

"Kapag bumaba ang testosterone or mataas na 'yong estrogen, ayan nagkakaroon ng medyo malaki ang boobs. And even diet can lead to breast enlargement in men... especially 'yong mga lalaking mahilig sa soya, like soya milk," anang doktor.

Puwede aniyang ang gamot tulad ng anti-depressants ay maging sanhi ng man boobs.

Maging ang walang tigil na pag-inom ay puwedeng mauwi rin sa pagkakaroon ng naturang kondisyon.

"Some medications and drugs of other conditions, treatment may lead to serious side effect like gynaecomastia," ani Marquez. "Control your alcohol consumption because you might have gynaecomastia... alcohol affects your liver's natural ability to get rid of any excess estrogen."

Batay rin aniya sa isang pag-aaral, puwede ring salik sa pagkakaroon ng sobrang laman sa dibdib ang ilang pamahid na ginagamit ng isang lalaki.

"Mayroon pong pag-aaral 2007 in the New England Journal of Medicine found that when applied topically, 'yong tea tree oil and lavender oil, common ingredients po 'yan sa mga shampoo, sa lotion, and soap, can lead to gynaecomastia."

Ayon kay Marquez, hindi naman kritikal na kondisyon ang gynaecomastia, pero maaaring magdulot ito ng kahihiyan para sa ilang lalaki.

Puwede ring manakit nang kaunti ang dibdib ng lalaki habang ito'y lalong nagkakaroon ng laman.

Mayroon nga raw ibang lalaking nagpapaopera dahil hindi na makayanan ang gynaecomastia.

"Gynaecomastia can appear as a small lump, parang bukol lang siya, that becomes tender as the mass becomes larger." 

Nagpaalala rin si Marquez na mainam pa ring magpatingin sa doktor kung tila hindi nawawala ang man boobs kahit pa inayos na ng isang lalaki ang kaniyang lifestyle.

Babala ng doctor, puwedeng sintomas din kasi ng male breast cancer ang sobrang laman sa dibdib.

"Kapag may matigas na bukol... tapos nagre-retract pa 'yong nipples or mayroong nagkakatas 'yong nipple or discharge or mayroon siyang mga kulani sa kilikili, then that can be breast carcinoma," paliwanag ni Marquez.

"Gynaecomastia is not usually associated with long-term problems but people who develop the condition are at around five times the risk of developing male breast cancer compared with the population in general."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.