Makulay na Piña Festival, ipinagdiwang sa Ormoc City

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 05:35 PM

ORMOC CITY -- Suot ang piña costumes, nagpasiklaban sa street dancing ang mga taga-Ormoc City sa pagdiriwang ng taunang Piña Festival.

Sa isinagawang parada nitong Linggo, kaniya-kaniyang kuha ng larawan ang mga turista at mga residente sa mga makukulay na costume ng mga mananayaw.

Ang ilan sa kanila, bitbit pa ang ipinagmamalaking produkto ng Ormoc City, ang pinya.

Isinasagawa ang pagdiriwang bilang pasasalamat sa mga natanggap na biyaya ng siyudad sa patrong sina San Pedro at San Pablo.

Ayon sa ilang mga nagtitinda ng pinya, nakakatulong sa kanilang pamumuhay ang pagdiriwang dahil mas dumarami ang bumibili ng pinya.

Matapos ang street dancing, nagkaroon naman ng ritual presentation sa plaza.

Walong grupo ang nagpasiklaban sa ritual presentation. Bawat grupo, may kaniya-kaniyang kuwento tungkol as naitulong ng pinya sa kanilang komunidad.

Ang ilang grupo, ipinakita kung paano naging kilala sa ibang bansa ang matamis an pinta. Ipinakita rin ng mga mananayaw kung paano nakatulong sa siyudad ang industriya ng pinya matapos makaranas ng mga kalamidad.

Ipinakita rin ang kuwento ng pagtatanim ng pinya sa bukid gamit ang magandang sayaw at makulay na mga costume.

Ayon kay Mayor Richard Gomez, patunay ang Piña Festival na Ormoc ang land of "beautiful people."

"Tanan nga adiri karon ay tanan puro mga beautiful, tinuod of dili? Tinuod oy," aniya.

(Lahat ng mga nandito ay magaganda, totoo o hindi? Totoo.)

Sa pagtatapos ng pagdiriwang, itinanghal bilang grand champion ang Pundok sa Nagkahiusang Ormocanon. Galing naman sa Pundok Pinalambo ang festival queen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.