Kailan nagiging sakit ang labis na pagiging malinis, organisado?

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 03:22 PM

MAYNILA — May mga taong nakaugalian nang hugasan o lagyan ng panlinis ang kanilang mga kamay matapos humawak ng ano mang bagay, o ayusin ang mga nakakalat na bagay sa kanilang paligid.

Likas para sa ibang tao ang pagiging malinis at organisado pero mayroon umanong mga pagkakataong ang mga nakaugaliang ito ay maituturing nang disorder o sakit.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa clinical psychologist na si Richtofen de Jesus, may 2 salik para masabing obsessive-compulsive disorder (OCD) ang pagiging malinis at organisado ng isang tao — obsession at compulsion.

Ang obsession ay isang paulit-ulit na pag-iisip na nakakaabala sa tao habang ang compulsion ay pagkilos para malutas ang obsession, sabi ni De Jesus sa programang "Sakto" ng DZMM.

"So habang ginagawa mo iyong kilos, nababawasan iyong epekto ng obsession," ani De Jesus.

Hindi pa raw maituturing na disorder ang pagiging malinis o organisado ng tao kapag kaya pa niyang tiisin ang magulong paligid.

"Hindi paulit-ulit na pumapasok sa isip niya 'yong thought na kailangan niyang ayusin iyong bagay na iyon," ani De Jesus.

Ang taong sadyang malinis at organisado lamang ay kaya umanong ipagpaliban ang paglilinis o pag-aayos sa mga gamit habang ang taong may OCD ay matataranta kapag hindi ito nagawa.

Sinabi rin ni De Jesus na maaaring mauwi sa psychosis o pagkabaliw ang pagpapabaya sa pagiging OCD ng isang tao.

"Tipong nakakarinig o nakakakita ka na ng mga bagay-bagay na ikaw lang ang nakaka-perceive," aniya.

Isa sa mga sanhi ng OCD ay genetics, na nangangahulugang puwede itong mamana mula sa magulang.

"Kung ang magulang mo may anxiety, depression or may OCD din, you have 30 percent to 50 percent chance na mamana ito," ani De Jesus.

Kapag mahina rin ang pagkatao ng isang tao ay "susceptible" o madali rin silang magaya sa ibang may OCD.

Puwede ring makuha ang OCD dahil sa mga karanasan, lalo iyong may mga negatibong epekto.

"[Halimbawa], 'yong parents diyan na very strict, tipong ayaw patapakan ng paa iyong sofa o kaya kailangang malinis na malinis iyong bahay... 'yong mga nagde-demand ng perfection, nakaka-develop din 'yan ng OCD sa mga anak niyo." ani De Jesus. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.