PANOORIN: Natatanging kuwento ng ilang nagtapos sa UP Diliman

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2018 09:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Libo-libong mag-aaral ang nagtapos nitong Linggo sa UP Diliman.

Kabilang sa bagong graduates ang mag-iinang sabay-sabay nagtapos sa kani-kanilang kurso.

Lumipas ang 24 na taon bago nakamit ni Lorelei Aquino ang minimithing diploma.

Isa siya sa mga nagtapos ng Business Management sa UP Diliman.

Naantala ang kaniyang pagtatapos dahil sa naiwang math subject.

Kahit nahirapan, sa tulong at suporta ng kanyang pamilya, nagsumikap si Lorelei na makapagtapos.

Ngayon, kasabay na niyang magtapos ang kaniyang mga anak na sina Mark at Lorielli Ann.
    
Chemical Engineering ang natapos ni Mark habang BS Biology naman si Lorielli Ann.
    
Nais ni Lorelei na magsilbing inspirasyon ang kaniyang kuwento para sa ibang hindi natapos nang maaga ang pag-aaral. 

Latin Honors

Summa cum laude ng BS Chemical Engineering si Ernest Delmo.

Sa lahat ng mga nagsipagtapos, nakamit niya ang pinakamataas na grado sa general weighted average na 1.086.

Hindi rin mabilang ang mga pagsubok na dinaanan ng Broadcast Communication graduate na si China Marie Gabriel.

Pero sulit ang lahat ng hirap niya dahil nagtapos din siya bilang summa cum laude.

Hamon naman ng UP Diliman chancellor na si Dr. Michael Tan sa mga nagsipagtapos na magsilbi sa bayan paglabas ng UP lalo pa't ngayong taon sinimulan na ang libreng matrikula sa state universities and colleges.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.