Ilang celebrity, nakisaya sa basaan sa pista ng San Juan

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2018 02:22 PM | Updated as of Jun 24 2018 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumahok nitong umaga ng Linggo sa San Juan ang mga residente ng lungsod at ilang celebrity sa tradisyonal na basaan bilang bahagi ng pagdiriwang ng pista ni San Juan.

Madaling araw pa lang ay nasa kalsada at nagbabasaan na ang mga residente gamit ang mga tabo, plastic bottle at hose ng tubig.

May mga bombero ring nakatalaga sa mga kalsada na nagbubuga ng tubig mula sa kanilang mga fire truck.

Dinumog ang Kabayanan Court dahil sa pagdalo ng ilang personalidad gaya nina Brazilian model Daiana Menezes, MMA fighter Brandon Vera, at mga basketbolistang sina Don Allado, James Yap, Marc Pingris at Ricci Rivero.

Nag-uwian bandang tanghali ang karamihan sa mga residente para pagsaluhan ang kanilang mga handa.

Ipinagdiwang din ang pista ni San Juan sa iba't ibang panig ng bansa.

Zumba foam party ang inihanda ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa mga nakapiit sa Metro Bacolod District Jail Male Dorm sa Bacolod City.

Pinaulanan sila ng tubig ng mga bombero habang binubugahan naman sila ng mga bula mula sa mga foam machine.

Dumayo naman sa beach ang mga residente ng Barangay 76-A Bucana sa Davao City para matunghayan ang "bangkathon" o karera ng mga pumpboat.

Nakiisa naman ang mga residente ng Balayan, Batangas sa taunang parada ng lechon at basaan, na itinuturing nilang simbolo umano ng pasasalamat.

-- Ulat nina Jeff Hernaez, Ganiel Krishnan at Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.