PatrolPH

Metropolitan Theater handa na para sa seremonyang kikilala sa mga natatanging Manilans

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2021 01:59 AM | Updated as of Jun 23 2021 06:52 AM

Watch more on iWantTFC

Ipinasilip na nitong Martes ng pamunuan ng Metropolitan Theater sa media ang kanilang mga pasilidad para sa muli nitong pagbubukas para sa mga special event sa Maynila. 

Ngayong Miyerkoles, magkakaroon ng seremonya ang Manila local government unit para kilalanin ang mga natatanging Manileño na nakapag-ambag ng malaki sa kani-kanilang larangan. 

Sa inisyal na impormasyon mula kay Julius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office ng Maynila, magkakaroon ng posthumous award para sa mga nasawing frontliners na nanguna sa paglaban kontra COVID-19. 

Bibigyan din ng pagkilala ang mga top business at real property taxpayers ng lungsod. 

Maituturing na historical at cultural landmark ang Met na itinayo noong 1931 at dinesenyo ni Juan Arellano. Pero napabayaan ito noon at nabulok na lang. 

1980 pa ang huling operasyon nito bilang isang teatro at matapos noon ay naging boxing ring, bar, at iba pa. 1996 nang tuluyang sinara ang gusali at marami ang naging pag-uusap sa pag-aayos ng Met. 

Noong 2015, napunta sa National Commission on Culture and the Arts ang pagmamay-ari ng gusali at agad sinimulan ang rehabilitasyon. 

Ayon kay CJ Serrano, visitor services officer, malaking bahagi ng teatro ay ibinalik sa orihinal na disenyo ni Arellano. 

Binawasan rin ang bleachers area o mga upuan. At matapos ang higit 5 taong rehabilitasyon, bubuksan na ulit ang pinto nito. 

Ilang beses na rin dapat binuksan ang Met ngayong taon, pero dahil sa pandemic naurong ito at ngayong Miyerkoles na nga ang official reopening ng teatro, isang araw bago ang Araw ng Maynila. 

Alas-3 magsisimula ang programang inaasahang dadaluhan ng mga opisyal ng Manila City Government, mga paparangalan at media. 

Tiniyak naman ng mga organizer na masusunod ang minimum health protocols laban sa COVID-19.

Sina Angeline Quinto at Bugoy Drilon ang kakanta ng theme song ng ika-450 anibersaryo ng Maynila. 

Ipinaalala rin ng lokal na pamahalaan na hindi bukas sa publiko ang nasabing event dahil sa ipinapatupad na quarantine protocols. — May ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.