Tawa-tawa, papaya mabisa bang panggamot sa dengue?

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2019 03:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala nang panahon na pinipili ang pag-atake ng mga lamok na Aedes aegypti, na maaaring mapagkuhanan ng sakit na dengue.

Pero may mga taong hindi na gaanong nag-aalala dahil kampante sa mga halamang tawa-tawa at papaya, na umano ay mabisang panlaban sa nasabing sakit.

Ang halamang tawa-tawa, o Euphorbia hirta, ay kilala rin sa tawag na gatas-gatas. 

Madalas makikita ang tawa-tawa sa mga gilid ng kalsada at bakanteng lote, at madaling makita dahil sa mabalahibong tangkay at pollen na nakapagitna sa 2 dahon.

Lumabas sa pag-aaral na isinagawa ng University of Santo Tomas na nakatutulong ang tawa-tawa para tumaas ang platelet count ng dugo.

Pero sa daga muna inobserbahan sa pag-aaral ang bisa ng tawa-tawa.

Bagaman wala pang konkretong resulta sa bisa ng tawa-tawa, inamin ng isang espesyalista mula sa Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC) na marami ang umiinom ng tsaa mula sa tawa-tawa.

"Patuloy pa rin na nagagamit ang mga tao. Nakakapagpataas ng platelet," ani Teresa Mendoza, chief science research specialist mula sa PITAHC.

Pero nagbitiw ng babala si Mendoza sa pag-inom ng tawa-tawa dahil may taglay din itong lason.

"Mayroon din kasi silang mga toxins. Kailangan diyan, may masusing pag-aaral. Dapat hindi lang na based mo sa animal studies, kailangan mong tingnan ang efficacy at safety ng halaman," ani Mendoza.

Madalas ding ginagawang remedyo sa dengue ang katas ng dahon ng papaya.

Base sa isinagawang pag-aaral ng University of Nottingham Malaysia, ang papaya juice ay may taglay na compound na carpaine, na nakatutulong umano sa blood clotting at pag-agap sa internal bleeding.

Ang tubig na pinakuluan ng dahon ng papaya naman daw ay may acetogenin, isang uri ng compound na nakatutulong sa pagpapataas ng platelet ng isang taong may dengue.

Bagaman marami na ang umiinom ng tawa-tawa at dengue, ipinayo pa rin ng infectious disease specialist na si Dr. Rey Salinel Jr. ang pagpapakonsulta sa doktor.

"Iba 'yong tamang gamot. May tamang gamot. Doktor iyong nakakaalam diyan," ani Salinel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.