Painting ng mga babaeng preso sa Davao City tampok sa art exhibit

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2019 08:23 AM

Tampok ang mga painting ng mga preso sa Davao City Female Jail sa isang art exhibit sa Quimpo Boulevard. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY -- Ibinida ng Davao City Female Jail ang mga painting na gawa ng mga babaeng preso sa isang art exhibit sa isang mall sa Quimpo Boulevard nitong Sabado.

Mahigit 20 kuwadro ang dinisplay sa art exhibit na pinamagatang "Obra ng Paglaum" o "Obra ng Pag-asa."

May kaniya-kaniyang tema ang mga painting base sa ekspresiyon at imahinasiyon ng mga preso, kagaya ng makulay na Last Supper, mga anghel, bulaklak, ibon, sunrise at iba pa.

Tampok ang mga painting ng mga preso sa Davao City Female Jail sa isang art exhibit sa Quimpo Boulevard. Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bukod sa maipapakita ang talento ng mga bilanggo, layunin din daw nito na ma-ibenta ang mga painting upang makatulong sa gastusin ng pamilya ng mga ito habang nasa loob pa sila ng bilangguan.

Nagkakahalaga ang mga painting nang mula P300 hanggang P3,000.

"Gusto naming i-paalam sa public na may talents sila. Gusto rin namin 'yong economic sector na tumulong na bigyan sila ng trabaho dahil ang jail ay malaki ang manpower pero kulang lang sa kapital," ani Robie Ann Alcantara, warden ng Davao City Female Jail.

May tinda rin silang mga eco bags, fashion bags na gawa sa tie box, at mga coin purse na kabilang rin sa kanilang livelihood project.

Bukas ang "Obra ng Pag-asa" hanggang Hulyo 4. - Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.