Magkapatid sa Batangas, sabay nagtapos na summa cum laude

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2018 08:10 PM

Hindi ininda ng magkapatid ang pangungulila sa ama at hirap sa buhay nang grumadweyt ang mga ito nang may pinakamataas na karangalan sa Batangas.

Nagtapos bilang summa cum laude ang dalawa na sina Bernise at Denise Catuncan na parehong kumuha ng kursong BS Accountancy sa Batangas State University.

Kasama nila sa graduation ang inang si Bernadita na nagsabit sa natanggap nilang medalya.

Iniaalay anila sa yumaong ama ang tagumpay na nakamit sa masigasig nilang pag-aaral

"Alam kong happy ka diyan sa heaven...miss na miss ka na namin," ani Denise patungkol sa ama.

"Papa, para sa'yo lahat ng na-achieve namin," dagdag ni Bernise.

Batid din nila ang sakripisyo ng ina para matustusan ang kanilang pag-aaral kaya't pinagsumikapan anila na makapagtapos.

"Sobrang hirap po talaga, dumadating po kami sa point na mangungutang tapos 'yon, as in umaasa po kami sa scholarship," saad ni Denise.

Sabay na naghahanda ang magkapatid para sa nakatakdang CPA board exam sa Oktubre.

-- Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.