PatrolPH

VIRAL: Dalagita naglalako ng pagkain para may pambayad sa renta

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 04:54 PM

VIRAL: Dalagita naglalako ng pagkain para may pambayad sa renta 1
Viral ngayon sa social media ang 15-anyos na dalagita na naglalako ng pagkain para makaipon ng pambayad ng upa sa bahay. Retrato mula kay Shiwen Lim

SARIAYA, Quezon — Viral ngayon sa social media ang 15-anyos na dalagita na naglalako ng pagkain para makaipon ng pambayad ng upa sa bahay.

Lumaki mang magkahiwalay ang mga magulang, nanatiling positibo sa buhay si Shiela Carian, 15, kapiling ang 3 nakatatandang kapatid at ang kaniyang lola Rachel.

Araw-araw, inilalako ni Shiela ang meriendang gawa ng kaniyang lola at ate Ella sa lugar nila sa Sariaya kasama ang pinsang si Zaidel.

"Gusto ko lang pong matulungan 'yung lola ko po kasi po ano tsaka para rin po may maibili kami ng pagkain... Kailangan din po naming makaipon po para sa pambayad po namin sa bahay... Nangungupahan po kami," sabi ni Shiela.

Pero noong Hunyo 12, mistulang may bayaning kostumer ang magpinsan nang pakyawin nito ang tinda nilang turon, lumpia at pansit sa gitna ng ambon.

"Binili na niya po lahat nung paninda ko. Binigyan po akong P500," ani Shiela. 

Si Shiwen Lim ang lalaking kostumer ng mag-pinsan. 

Aniya, papunta sila ng kaanak sa Bicol noong Hunyo 12 para sa bubuksang branch ng footwear business nang mag-stopover sa lugar.

Mahilig din siya mag-vlog kaya in-upload niya ang video nila.

Hindi inakala ni Lim na magiging viral ang video ng magpinsan na sa nasa 11 million views at mahigit kalahating milyon na ang reactions.

Matapos mag-viral ay bumuhos ang tulong kina Shiela.

Bukod sa bagong sapatos, sasagutin na umano ni Lim ang school supplies at gadget na gagamitin ni Shiela ngayong pasukan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.