PatrolPH

'Mag-ingat sa mga lamok na may dalang dengue kapag naka-home quarantine'

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 03:49 PM

MAYNILA - Pinayuhan ng isang doktora ang publiko na mag-ingat sa mga lamok na maaaring magdulot ng dengue, lalo at karamihan sa mga tao ay nananatili lang sa kanilang mga bahay bunsod ng COVID-19 pandemic.

"Inside the house, puwede kang magkaroon ng ibang infectious disease tulad ng dengue," sabi sa Teleradyo ng pediatric infectious disease specialist na si Nancy Bermal.

Ayon kay Bermal, maraming mga sintomas ng dengue at COVID-19 ang magkapareho tulad ng pagkakaroon ng lagnat at pananakit ng ulo.

Pero hindi gaanong nakararanas ng respiratory symptoms o iyong mga sintomas na may kinalaman sa paghinga ang dengue.

Maaari namang sabay na magkaroon ng dengue at COVID-19 ang isang tao, sabi ni Bermal.

"Sa dengue nga lang, 'yong respiratory symptoms, hindi ganoon ka-prominente unlike sa COVID," ani Bermal.

Kabilang din sa mga sintomas umano ng dengue ang kawalan ng gana ng pagkain, panghihina, pagsusuka at pagtatae.

Ipinayo ni Bermal ang paghahanap at paglilinis sa mga lugar sa bahay kung saan maaaring mabuhay ang mga lamok, tulad ng mga tubig sa flower vase o garden.

Mainam din umanong proteksiyunan ang sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga long sleeve na damit at paglalagay ng mosquito repellant.

Nagpaalala rin si Bermal na hindi porke nagka-dengue na ang isang tao ay immune na siya sa pagkakaroon ulit ng naturang sakit dahil may 4 na strain ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.