PatrolPH

8-anyos ‘Army’ na di pinapasok sa resto dahil sa GCQ, ginawan ng BTS waiting area

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2021 05:36 PM | Updated as of Jun 20 2021 06:24 PM

8-anyos ‘Army’ na di pinapasok sa resto dahil sa GCQ, ginawan ng BTS waiting area 1
Photo/Video Courtesy: Faye De Lima

PILI, Camarines Sur — Viral ngayon ang 8-taong gulang na si Alliyah Zandra "AZ" De Lima dahil sa post sa Facebook ng kanyang mommy kahapon, Hunyo 19. 

Ayon sa post ni Mommy Faye De Lima, hindi pinayagang pumasok sa fast food restaurant ang anak para personal na makabili ng “BTS meal” alinsunod sa general community quarantine guidelines.

Habang bumibili ng pagkain, nakita umano ng food chain crew na malungkot ang bata, kaya naisipan nilang gawan siya ng BTS-themed waiting area.

Umani na ng 11,000 reacts at na-share ng mahigit 11,000 ang post ni Mommy Faye na aminadong fan na din ng Korean pop boy group.

“Hindi naman masamang maging fan ng mga ganyang grupo ng mga Korean as long hindi napapabayaan ang kanilang pag-aaral, yung mga limitation po alam nila, nandito lang kami para mag-guide sa kanila,” ani Mommy Faye.

Tulad ng ibang “Army” o certified BTS fans, inilagay ni AZ sa kwadra ang mga lalagyan ng biniling pagkain at hinilera sa iba pang BTS collectibles sa kanyang kwarto.

8-anyos ‘Army’ na di pinapasok sa resto dahil sa GCQ, ginawan ng BTS waiting area 2
Photo/Video Courtesy: Faye De Lima

Ani Mommy Faye, naipong reward ito ni AZ sa school achievements niya gaya na lang ng pagiging honor at pagkapanalo sa mga academic at non-academic competitions.

“Very happy, excited, I’m enjoying, yun lang,” ani AZ na nahuhumaling din sa TikTok.

Kita rin sa pananamit at pagsayaw ni AZ ang impluwensiya ng Hallyu o Korean wave.

Kaya palagi raw na ipinapaalala ni Mommy Faye kay AZ na huwag kalimutang tangkilikin ang gawang Pinoy sa kabila ng pagkahumaling sa kultura ng ibang bansa. 

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.