'House wedding' idinaos sa Cebu City

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 12:37 AM

CEBU CITY - Isang hindi pangkaraniwan na kasal ang idinaos sa Barangay Punta Princessa sa Cebu City nitong Martes.

Hindi ito beach wedding at hindi rin ito church wedding.

Ikinasal si Salome, 48, kay Arce Pamisa, 58, sa kanilang tahanan.

Ayon kay Salome matagal na niyang hiling na maikasal sa kaniyang live-in partner na 14 taon niya nang kinakasama.

Idinaos ang kasal sa kanilang bahay dahil ang groom na si Arce ay may iniindang sakit. Hindi pa nila ito naipatingin sa doctor pero hirap siyang umihi at maglabas ng dumi sa katawan.

Dating jeepney driver si Arce bago siya nagkasakit.

Si Fr. Randy Figuracion, SDB ang tumupad sa plano ng mag-live-in partner. Nalaman niyang hindi pa kasal ang dalawa nang isagawa ang anointing of the sick kay Arce.

Nangako ang dalawa na aalagaan nila ang isat-isa hangang sa huling hininga nila.

Ayon kay Salome, aalagaan niya habang buhay ang kaniyang asawa kahit sa mga nararamdaman nitong mga sakit.

Si Arce naman ay nagpasalamat kay Salome sa pagmamahal na ibinigay nito.

May handaang idinaos pagkatapos ng kasal na bigay ng mga kapitbahay nila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.