17-anyos na Pinay, wagi sa international upcycling contest

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2019 03:35 PM

Tatanggap ng 250 euros o P15,000 bilang premyo si Cara Mia Digo matapos manalo ang kaniyang upuang gawa sa sirang thermos, rice cooker at ink bottles sa Eno Art Stool competition. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

ILIGAN CITY – Naipanalo ng isang 17-anyos na estudyante ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology ang kaniyang upuang gawa sa sirang thermos, rice cooker at ink bottles sa Eno Art Stool competition.

Ang pagkapanalo ni Cara Mia Digo at iba pang wagi sa kompetisyon ay inanunsiyo sa World Summit of Students for Change na ginanap sa Finland nitong Hunyo 2, 2019.
 
Dalawang araw lang ginawa ni Digo ang upuan sa tulong ng kaniyang tiyahin na si Aida Acuba na mahilig din sa pagsali sa recycling at upcycling competitions.

Criteria sa kompetisyon na functional o magagamit ang kanilang obra at sumasalamin sa kultura ng bansang inererepresenta.

Natalo ni Digo ang 112 na entries mula sa iba't ibang bansa. Pumapangalawa sa kaniya ang gawa ng mga high school students mula Slovenia at Italy.

Ilan sa mga inilahok na upuan ay gawa sa lumang maleta, pinagtagpi-tagping iba-ibang bahagi ng sirang mga upuan, at mga plastic.

Ang upcycling ay paghahanap ng ibang paggagamitan ng mga sirang bagay.

Ayon sa mentor niyang si Acuba, layunin ng Eno Art Stool competition na lumikha ng awareness sa mga bata sa problema sa basura at kung paano makatutulong ang upcycling sa pagbabawas nito.

Tatanggap si Digo ng premyong 250 euros o humigit kumulang P15,000.

Pasok din sa top 15 ang estudyante sa Digkilaan National High School na mula Iligan din.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.