PatrolPH

Graduating SHS student nakapagparetrato kasama ang nakadeteneng ama sa Leyte

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2022 05:07 PM | Updated as of Jun 19 2022 11:18 PM

Larawan mula sa Matalom Police.
Larawan mula sa Matalom Police.

Hindi matumbasan ang kaligayahan ng isang graduating honor student sa senior high school sa Leyte matapos pagbigyan ang kahilingan nitong makapagparetrato kasama ang amang nasa kustodiya ng awtoridad.

Sa larawang kuha ng Matalom Police, abot langit ang ngiti ng estudyante habang yakap ang kaniyang ama. Ibinahagi ng nasabing police station sa Facebook account nito ang naturang mga retrato noong ika-15 ng Hunyo.

Suot ng estudyante ang kaniyang toga at nag-pose rin kasama ang mga pulisya. 

Sinabihan rin umano nito ang kaniyang ama na isa siyang honor student.

Ang ama ng graduating student ay nasa kustodiya ng mga awtoridad matapos itong mahuli dahil umano sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga nito lamang Hunyo.

Bago pa makulong ang ama, pamamasada sa tricycle ang hanapbuhay nito na siyang pantaguyod sa kaniyang pamilya.

Ipinagdiriwang tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo ang Fathers' Day. 

— Ulat ni Ranulfo Docdocan

MULA SA ARCHIVE

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.