VIRAL: Tricycle driver, 4 na buwan nag-ipon para sa cellphone ng anak na nagtapos ng pag-aaral

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2020 05:30 PM | Updated as of Jun 19 2020 09:18 PM

Handog ng isang tricycle driver ang bagong cellphone sa kanyang anak na nagtapos ng pag-aaral.

Sa Facebook post ni Tatay Edwin Bayson, 50, makikita ang pagpupursiging ginawa niya para sa kanyang anak na si Derwin, 20, para mabigyan siya ng regalo. 

 

Watch more in iWantTFC

"Congrats 'nak, ayan pinag-ipunan [ko] talaga 'yan para sa graduation mo. Ilang alak [hindi ko] ininom makaipon lang ng pambili ng [cellphone] mo [na] matagal mo nang hinihingi," pabiro ni Tatay Edwin sa kanyang post, na ngayon ay mayroon nang 36,000 shares.

Ayon kay Tatay Edwin, mula sa kanyang pamamasada bilang driver ang perang pinambili niya sa regalong cellphone. 

"Dati, pahinante [ako] ng truck, helper, pero nawalan na 'ko ng trabaho kaya ginawa [ko nang] extra-extra [ko sa tricycle] pumasada," sinabi ni Tatay Edwin sa ABS-CBN News.

Buhat ng enhanced community quarantine, nagtagal nang 4 na buwan ang kanyang pag-iipon. Aniya, ang kinikita niya noon ay umaabot sa P150 hanggang P200 kada araw na bumaba sa P25 hanggang P50 dahil sa lockdown. 

"'Pag [may] pasahero hanggang kanto lang namin [hinahatid]. Nagpapahatid, [may] nasakay bibili ng ulam, ayun isasakay [ko], tapos ang bayad sa'kin ihuhulog [ko sa ipon,]" aniya.

"Kasi matagal na s'yang walang [cellphone], 6 na taon [na], nakiki-online sa mga kaibigan at sa pisonet kaya sabi ko talaga pag-iipunan ko kahit matagal," dagdag pa niya.

Kwento pa ni Tatay Edwin, tuwang-tuwa naman si Derwin sa kanyang regalo at pabirong sinabi na papalitan ito ng kotse kapag nagkatrabaho na.

"Tuwang-tuwa po, nangangatal pa nga po eh tapos niloko 'ko, Tay, papalitan ko 'to kotse 'pag nagtrabaho na 'ko," ani Tatay Edwin.

"['Yong] pangarap [ko kasi alam] ng anak ko, na gusto ko ng kotse parang ayun 'yung lagi niyang sinasabi sa'kin na ibibili niya ako ng kotse," dagdag pa niya.

Ayon kay Tatay Edwin, si Derwin ay nakapagtapos ng dalawang taong kurso na applied computer engineering at kasalukuyang naghihintay ng tugon sa kanyang aplikasyon sa trabaho.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.