Mga anak ng BMX champion nahilig din sa extreme sports

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 03:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patunay ang pamilya ng BMX (bicycle motocross) champion na si Armand Mariano sa kasabihang "kung ano ang puno, siya rin ang bunga."

Lahat kasi sa 4 na anak ni Armand ay nahilig din sa extreme sports gaya ng kanilang ama.

Ang 2 panganay ni Armand na sina John, 18, at Asian, 16 ay sumasabak sa scooter stunts habang ang mga pinakabatang sina Guetler, 14, at Zuay, 6, naman ay sa BMX.

Ikinuwento ng mga anak ni Armand sa programang "Matanglawin" na kinalakihan nilang napapanood ang mga nasabing sport kaya hindi rin maiwasang iyon din ang pinasok nila.

"Nakikita ko po si daddy noong bata pa lang ako na sumasali siya sa ibang bansa saka kakaiba 'yong sport," ani Guetler.

"Yon na 'yong nakasanayan ko sa circle of family," sabi naman ni Asian.

Sa labis na pagkahilig ng pamilya, nagtayo pa sila ng sariling BMX park.

Dose anyos lang si Armand nang magsimulang magkaroon ng interes sa BMX.

"Nakakita ako ng mga nag-BMX sa labas ng bahay namin," kuwento ni Armand.

"Nag-stunts sila ng simple pa lang noon, hanggang sa nakapanood ako ng mga video na international. Medyo na-inspire ako," aniya.

Taong 2013 nang magkampeon si Armand sa 2013 Asian Extreme Sports sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Maging ang mga anak ni Armand ay sumasali sa mga lokal at international na kompetisyon.

Noong nakaraang taon, nakamit ni John ang 2nd place sa isang timpalak sa South Korea.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.