Halandumon Festival, ipinagdiwang sa Bacolod City

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2019 11:20 PM

BACOLOD CITY -- Ipinagdiwang ng mga residente ng Bacolod City ang Halandumon Festival, kasabay ng nalalapit na June 18 charter celebration ng lungsod.

Ipinamalas ng mga residente ang galing sa pagsayaw sa street dancing at arena dance competition.

Karamihan sa mga ipinamalas ng bawat barangay ay hango sa kanilang pamumuhay at natatanging kultura.

Ikinamangha ito ng mga manonood na dumagsa sa Bacolod City Government Center para masaksihan ang mga palabas.

"The festival's amazing, great dancing and great stories being told, really good. Everyone’s really friendly, it’s just a great place to be, very beautiful city, lot of beautiful places, great things happen all time," ayon sa turistang si Matthew Rood.

Labinlimang grupo mula sa mga barangay sa lungsod ang nakilahok sa pagdiriwang.

Naniniwala ang mga lokal na opisyal na gaya ng sikat na Masskara Festival, inaasahan nilang makakatulong sa pagpapalago ng turismo ang Halandumon Festival.

“We want it to grow like Masskara has grown over the years, because we are also trying to promote Bacolod as a festival destination. That is something we can offer to tourists, our festivals, the fun nature of Bacolodnons and hopefully it will draw more inbound tourism," paliwanag ni Councilor Em Ang, chairperson ng Committee on Tourism ng lungsod. 

Ang Halandumon Festival o ang makasaysayang pag-alaala at pagbalik-tanaw sa nakaraan ay bahagi ng pagdiriwang ng unang charter celebration ng Bacolod City na gaganapin ngayong June 18, ang araw kung kailan nilagdaan ni Pangulong Manuel L. Quezon ang special charter ng lungsod noong 1938.

Sa bisa ng Republic Act 11146, naamyendahan ang taunang charter celebration na dating ipinagdiriwang tuwing Oktubre 19, kasabay ng Masskara Festival.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.