PatrolPH

Marco Polo hotel sa Davao City, tuluyan nang nagsara

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 04:45 PM

DAVAO CITY -- Tuluyan nang nagsara nitong Lunes ang una at nag-iisang five-star hotel sa Mindanao, ang Marco Polo Davao.

Halos 300 na empleyado ng Marco Polo Davao ang nawalan ng trabaho.

Noong Mayo kinumpirma ng Marco Polo Davao na ititigil na nila ang kanilang operasyon dahil isa ang tourism industry sa mga naapektuhan ng COVID-19 crisis.

Ayon sa management ng hotel, prayoridad nila na ibigay ang mga pangangailangan ng kanilang mga empleyado habang kaya pa nila.

Pinasalamatan din nila ang naging kontribusyon ng kanilang mga empleyado sa loob ng 22 taon.

"Yes, nabayaran na lahat ang aming mga associates noong May 7-8 and we are so proud of our associates. They're like selling their own homemade specialty dishes, doing delivery services of essential goods and others went back to their hometown,” ani Pearl Peralta-Maclang, head ng sales and marketing ng hotel.

Idinaan ng hotel sa pagpapailaw sa gusali ang kanilang pasasalamat sa komunidad at kanilang business partners.

"On behalf of Marco Polo Davao, I would like to say that Marco Polo Davao is grateful to all its guest, clients, associates, media, friends, business partners, community and everyone for that matter, who have been supportive and been part of Marco Polo Davao for 22 years," dagdag ni Maclang.

Matapos ang dalawang dekada ng pagserbisyo sa publiko at naging venue ng iba't ibang okasyon, tahimik na ngayon ang Marco Polo pero para sa mga empleyado at ng mga taga-Davao, mananatili itong "Heart of Davao."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.