Chavit, di pa umano bayad ng sponsors ng Miss Universe

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 09:25 PM | Updated as of Jun 16 2018 10:53 AM

Miss Universe 2016 Iris Mittenaere of France and Filipino tycoon Luis "Chavit" Singson wave after a news conference. Romeo Ranoco, Reuters/FILE

Umaray na ang negosyenteng si Luis "Chavit" Singson sa isyung hindi pa rin siya nababayaran sa multimilyong investment niya sa pagdaos ng Miss Universe sa Maynila sa SM Mall of Asia Arena noong Enero 2017. 

Ibinunyag ni Singson na matapos ng mahigit isa't kalahating taon, hinihintay pa rin niya ang pangakong bayad ng mga kasosyo niyang private corporation na base lahat sa Pilipinas at nakipagtulungan noon sa Department of Tourism.

Nauna nang napabalitang nagbuhos ng humigit kumulang $14 milyong si Singson sa gastusin sa Miss Universe.

"Awa ng Diyos, 'di pa ako bayad. Maraming rason. I don't want to name names, pero marami pa silang kulang. May sisingilin pa akong P100 million, $2 million. Dapat magbayad na sila," sabi ni Singson.

Gayunman, tumutulong pa rin si Singson sa Miss Universe Organization sa pagdaos ng pageant sa Asya ngayong taon. Ipinakilala ni Singson ang MUO head na si Paula Shugart 
sa kaniyang business partner sa Tsina kamakailan. 

"Kasama ko sila sa China, nag-inspect, lahat, so ever since sinabi ko, 'Hindi na 'to gagawin sa Pilipinas.' Iyon lang, hindi puwede ang live telecast doon," aniya.

Kasama sa maaaring pagdausan ang Macau, pero mas kumpiyansa si Singson na ganapin ang pageant sa Seoul kung saan nagtayo siya ng bagong solar energy panel na negosyo sa tulong ng kanyang Korean partners.

"Madali at mabilis silang kausap doon," ani Singson.

Sa ika-21 ng Hunyo, sa pagsapit ng kaniyang ika-77 na kaarawan, wala na raw mahihiling pa si Singson. Nagawa na raw niya halos lahat, at nalagpasan ang maraming pagsubok sa pamilya, pulitika at kalusugan. Pero hirit niya, mas ikatutuwa niya kung bayaran na siya ng kaniyang partners sa Miss Universe.