Matulunging medic, umani ng papuri sa social media

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 11:08 PM | Updated as of Jun 15 2017 04:06 AM

Nag-viral ang social media post ng paghanga sa isang medic na sumaklolo sa isang babaeng hinimatay sa MRT station. 

Labis na pinasalamatan sa social media post ni Ryan Estrellado si Albert Santiago, ang medic na tumulong sa misis niyang hinimatay sa MRT station noong nakaraang linggo. 

Kuwento ni Estrellado, nag-alala siya nang makatanggap ng tawag mula kay Santiago at sinabing isinugod niya si Mrs. Estrellado sa ospital.

Kahit nadala na sa ospital, hindi pa rin iniwan ni Santiago ang pasyente hangga't di dumarating ang mister. 

Laking pasasalamat ni Estrellado kay Santiago. Inalok niyang bayaran ang serbisyo ng medic pero hindi ito tinanggap ni Santiago. Kaya sa social media post na lang ibinuhos ni Estrellado ang pasasalamat sa estrangherong nagmagandang loob sa misis.

Salaysay naman ni Santiago na isang medic ng ABS-CBN, nasa MRT Quezon Avenue Station siya noon, off duty at pauwi na sana, nang mapansin niyang hinihimatay ang isang babaeng pasahero kaya agad siyang sumaklolo. 

Pinatotohanan naman ng mga kakilala ni Santiago ang kaniyang kabutihang loob. Sabi ng pamilya at ilang kaibigan, matulungin na talaga siya kahit noong bata pa lamang. Ipinagmamalaki rin siya ng kanyang mga kasamahan sa trabaho.

Para naman kay Santiago, ginawa lang niya ang kanyang tungkulin sa pagtulong sa misis ni Estrellado, lalo’t mahigit isang taon din siyang nagsanay sa pagbibigay ng first aid.

Maraming netizen ang natuwa at na-inspire sa ginawa ni Santiago. Para sa kanila, patunay ito na may mga taong handa pa ring tumulong sa kapwa nang walang kapalit, kakilala man o hindi.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.