ALAMIN: Kondisyon na kulang sa iron ang dugo ng tao

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2019 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binigyang diin ng isang doktor ang kahalagahan ng iron sa katawan ng tao dahil sa pagiging pangunahing sangkap nito sa paggawa ng pulang selula ng dugo o red blood cells.

Tinatawag na iron deficiency anemia ang kondisyon kung saan nagkukulang sa iron ang katawan, na siyang nagpapababa sa pulang selula ng dugo, ayon sa hematologist na si Dr. Flordeluna Mesina.

"Ang iron kasi, ito ay isang importanteng ingredient para makagawa ng pulang dugo," sabi ni Mesina sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

"Kung kulang iyong iron, which is 'yong most common cause ng anemia, then bumababa ang ating pulang dugo," sabi ni Mesina.

Kapag may iron deficiency anemia ang isang tao, madali itong makararanas ng pagkahina dahil hindi naipapakalat ang oxygen sa buong katawan, ani Mesina.

Ilan sa mga palatandaang may anemia ang isang tao, ayon kay Mesina, ang mga sumusunod:

  • Pagkahilo
  • Madaling mapagod o hingalin
  • Masakit ang ulo
  • Hirap sa pag-concentrate (lalo sa mga bata)
  • Pagkahimatay
  • Lightheadedness

Posible rin daw na may anemia ang isang tao kapag maputla ang kaniyang mga palad, ilalim ng mata o labi.

Ayon pa kay Mesina, may mga grupo ng mga tao na nanganganib makaranas ng iron deficiency anemia.

Isa na raw dito ang mga bata.

"'Yong mga bata kasi kailangan ng iron sa katawan lalo na kapag lumalaki," paliwanag ng doktora.

"Sila rin kasi 'yong at risk na kulang sa nutrition, medyo picky eaters itong mga ito, at saka sila rin 'yong age group na nagkakaroon ng worms at parasites sa tiyan na puwedeng mag-cause ng iron deficiency anemia."

Nanganganib ding magkaroon ng iron deficiency anemia ang mga babaeng nireregla.

"'Pag nagdudugo, we lose iron in the body so nagkakaroon ng iron deficiency," ani Mesina.

Pero hindi naman daw lahat ng nireregla ay nanganganib magkulang sa iron lalo kung kumakain naman sila ng mga pagkain mayaman sa iron.

Hindi naman karaniwan para sa lalaki ang makulangan ng iron, lalo at hindi naman sila dinudugo, ani Mesina.

"We look for bleeding in the gastrointestinal tract [of men]. So puwedeng may ulcer, o may mass o tumor sa colon, sa small intestines," ani Mesina.

Nilinaw ng doktora na ang anemia ay hindi isang uri ng sakit kundi isang kondisyon na maaaring sintomas ng "mas malalang sakit."

"Hindi lang siya simpleng mababa ang dugo [o] kulang ka sa iron," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.