PatrolPH

Magkapatid na lola, patuloy ang pagtatrabaho sa Mt. Makiling

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2021 09:05 PM

 

MAYNILA — Humanga sa katatagan ng magkapatid na senior citizens si Bayan Patroller Laurence Nodera, dahil araw-araw umano ay nakikita niyang umaakyat ng Mt. Makiling ang dalawa para magtrabaho. 

Kinilala ang magkapatid na sina Juana Evangelista, 78, at Guillerma Evangelista, 88, mula sa Santo Tomas, Batangas.

Nilalakad nila nang dalawang oras ang daan papunta sa Mt. Makiling kung saan naroon ang kanilang hanapbuhay.

Sa panayam ng Bayan Mo, I-Patrol Mo sa magkapatid, sinabi nilang sa ilalim ng mga puno sila nagpapahinga kapag napapagod sa paglalakad paakyat sa bundok.

Sila ang caretaker sa isang lupa sa nasabing bundok. Araw-araw ay nagtatanim sila duon, at nagtatabas rin ng mga damo.

Nag-aani rin sila ng mga pananim na gulay at prutas, gaya ng lansones, niyog, patani, luya, kape at iba pa. 

Hindi man humihingi ng kahit ano sina Nanay Juana at Nanay Guillerma, kusang loob na tumutulong ang ilan gaya na lang ni Bayan Patroller Paul Evangelista na nakita ang post ni Nodera sa social media. Nag-abot si Evangelista ng isang sakong bigas at P7,000.

Layunin umano ni Nodera sa pagbahagi sa kuwento nina Nanay Juana at Nanay Guillerma na magbigay ng inspirasyon sa lahat, na patuloy na lumaban sa buhay, ano man ang kalagayan o sitwasyon.

—Ulat ni Sarah Sales, Bayan Mo, I-Patrol Mo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.