5 kainang Pinoy, kasama sa listahang Top 50 Street Food Masters

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2017 04:26 PM

Limang kainan sa Pilipinas ang nakasama sa Top 50 World Street Food Masters list.

Kinilala sa listahang ito ang 50 kainan na inirerekomenda ng mga eksperto sa industriya ng pagkain, partikular na sa street food. Ginanap ang pagkilalang ito sa pagtatapos ng World Street Food Congress (WSFC) event sa bansa.

Top 4 sa listahan ang Aling Lucing Sisig sa Pampanga na kinilala rin ng WSFC bilang ang lumikha ng pagkaing Kapampangan na sisig. 

Sizzling sisig ng Aling Lucing Sisig. Retrato ni Jeeves de Veyra

Dinarayo ang Aling Lucing Sisig para sa sisig na gawa sa ulo at atay na baboy na inilagay sa sizzling plate para mas maging malutong. Pampadagdag naman sa linamnam nito ang asim ng kalamansi at anghang ng sili. 

Sumunod namang kainang Pinoy sa listahan ang General's Lechon sa Makati City. Inilarawan ng WSFC na naperpekto na ng nasabing kainan ang kanilang Negros-style lechon.

 

General's Lechon. Retrato mula sa General's Lechon Facebook page.

 

Nasa ika-22 naman sa listahan ang Zeny's Pinangat sa Bicol dahil sa kanilang pinangat, o ang ginataang baboy na ibinalot sa dahon ng gabi. 

 

Zeny's Pinangat. Retrato mula sa Zeny's Pinangat Facebook page

Ika-32 sa listahan ang Sharyn's Kansi Beef Soup sa Bacolod dahil naman sa kanilang sinabawang baka na may kasamang batuan, isang lokal na prutas sa lugar. 

Inihaw na panga ng tuna naman ang binigyang-pansin sa Doods Ihaw and BBQ sa Davao City kaya ito nakakamit ng ika-46 na puwesto sa listahan. 

Nanguna sa listahan ang Hill Street Tai Wah Bak Chor Mee sa Singapore, isa sa mga unang street food vendors na nagkamit ng Michelin Star, isang karangalan at rating system na rin para sa mga kainan. Kilala ang kanilang stall para sa noodle soup na sinangkapan ng baboy na pinalasa ng sukang itim at pampaanghang na 'sambal'.

Kasama rin sa listahan ang mga kainan mula sa United States, Thailand, China, Mexico, Malaysia, Vietnam, Taiwan, at India. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.