Gamit pang-eskuwela kapalit ng basura, inilunsad sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 03:24 PM

Hindi na kailangan pang gumastos para sa school supplies ang mga estudyante sa San Isidro, Isabela. Makakakuha sila ng libreng gamit pang-eskuwela kapalit ng basura. 

Inilunsad kamakailan ng lokal na pamahalaan ang isang programa na humihikayat sa mga residente na mangolekta ng basura na maaaring ipagpalit sa iba-ibang gamit na makukuha sa isang redemption booth sa munisipyo. 

May katumbas na halaga ang timbang ng mga basura, ayon kay Engineer Nellie Marquez. 

“Halimbawa, 'yung isang kilo ng nagunting na plastic wrappers ay katumbas ng P40 at puwede nilang ipalit ng gamit pangkusina," ani Marquez.

Dahil nagbukas na ang klase, idinagdag na rin sa mga gamit na maaaring makuha ang mga school supplies, gaya ng mga kuwaderno, lapis, at ballpen. Maaaaring makuha ng mga estudyante nang libre ang mga gamit na ito sa pamamagitan ng pagpapapalit ng mga lata o plastic na bote. 

Ang programang "Basura Mo, Palit Gamit Kusina at Eskwela" ay naglalayong turuan ang mga residente ng tamang pagtatapon at paghihiwalay ng basura, at ng "reduce, re-use, recycle," ayon kay San Isidro Mayor Ray Socrates Velasco. 

“Ang practice kasi dito ng mga residente, sinusunog 'yung basura. Bawal naman 'yun sa batas. Kaya mas maganda na kolektahin nila 'yung mga recyclable materilas para ipalit ng gamit,” ani Velasco. 

Sa kasalukuyan, hindi makapangolekta ng basura sa bawat bahay ang lokal na pamahalaan dahil wala silang mga landfill na paglalagyan nito. 

“Wala kaming sapat na pondo para sa pagtatayo ng sanitary landfill,” dagdag ni Velasco.

Mayroon lamang P41 milyon mula sa gobyerno ang 5th class municipality ng San Isidro. Kumikita lamang din ito ng higit P3 milyon. 

Samantala, ang mga nakokolektang basura o recyclable materials ay ibebenta sa isang junk shop. Gagamiting pambili ng gamit sa kusina at sa eskuwela ang perang makukuha mula rito.

Magtatagal ang programa hanggang Nobyembre, ngunit binabalak na rin nilang gawin itong mas pangmatagalan sa bawat barangay kung maging matagumpay ang programa. -- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.