Yaya cum laude: Kasambahay nagtapos nang may karangalan sa kolehiyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2017 01:06 AM

MAYNILA — Abala man sa pagluluto, paglilinis at sa pag-aalaga sa anak ng kanyang mga amo, nagsumikap mag-aral ang kasambahay na si Lucille Guiquin, 29, hanggang siya ay makapagtapos. 

Mismong ang kanyang mga amo, ang pamilya Benzon, ang nagpaaral sa kanya, kaya ayon kay Guiquin, hindi niya sinayang ang pagkakataon at tiwala na ibinigay sa kanya ng mga ito. 

"Pinagbubutihan ko po iyong pag-aaral ko kasi gusto ko rin po ipakita sa kanila na hindi po sila magsisisi na pinag-aral nila ako," naiiyak na na sinabi ni Guiquin sa DZMM nitong Lunes.

Nitong Mayo 25 hindi lang basta nagtapos sa kursong hotel and restaurant management si Guiquin. Siya ay nagtapos bilang cum laude.

"Sobrang blessing po iyong nangyari sa akin, iyong binigay nilang offer na makapag-aral ako, hindi ko akalain na io-offer po nila sa akin iyong so thankful po ako doon," dagdag pa ng dalaga.

Taong 2006 nang mapadpad si Guiquin, noo'y 19 anyos, sa siyudad na ito. Agad siyang napasok sa mag-asawang Benzon at natoka na mag-alaga sa anak ng mga amo na si Josh.

Bukod sa hindi sapat ang sahod, prayoridad rin ni Guiquin na makapagpadala ng pera sa mga magulang sa probinsiya kaya isinantabi niya ang pangarap na makapagtapos. 

Pero kuwento ni Josh, nang magpipitong taong gulang na siya at kinailangan niyang magrebyu para sa eskuwela, ginawan siya ng kanyang ate Lucille ng reviewer na may kasamang "mock exam." 

Nakita ito ng mag-asawang Benzon at naisip na may potensiyal ang bata kaya naman nangako silang pag-aaralin si Guiquin sa oras na tumungtong ng 10 taong gulang si Josh.

Aminado si Lucille na mahirap noong una siyang pumasok dahil hindi niya alam kung paano pagsasabayin ang pag-aral at trabaho sa bahay. Pero aniya nagpursige siya nang husto.

Hanga ang pamilya Benzon sa ipinakitang dedikasyon ni Guiquin. Kahit ang kanyang alaga na ngayo'y binatilyo na, hanga rin sa ginawa ng kanyang ate Lucille. 

"I'm very proud of her because of how she's taken care of me and how she managed her time and how she manages to do everything even with college. I heard college is very hard and she still did it while making food for me. It's an amazing feat," ani Josh.

At ngayong tapos na Guiquin, pumayag rin ang mag-asawang Benzon na makaalis sa kanilang poder ang dalaga para makapagtrabaho sa ibang bansa.

"Pinapayagan po ako nila ma'am na mag-abroad basta . . . totoo po iyong a-apply-an ko, iyong legit po," aniya.

Sa ngayon, naghahanap na ng trabaho si Guiquin habang patuloy na naninilbihan sa kanyang mga amo na itinuring na umano siyang parang tunay na anak.

Malungkot para kay Josh na mamamaalam ang kanyang ate Lucille sa kanila pero masaya na rin siya para dito. 

Dagdag pa ni Josh, lubos ang kanyang pasasalamat kay Guiquin sa pag-aalaga sa kanya.

"I know in the future aalis ka na kasi may job ka . . . If you're gonna go to like Taiwan and you have to move out, we're gonna miss you a lot," ani Josh.

"I just hope you know that nowadays I can handle myself na cause you taught me how to make food and how to take care of myself. So I'd like to thank you for that, for giving me the opportunity to learn."