TFC News

Special Filipino language online course, ginanap sa Italya

TFC News

Posted at Jun 05 2023 12:49 PM | Updated as of Jun 05 2023 01:20 PM

ROME - Isang online Filipino Language Laboratory Course ang ginanap kamakailan ng Sentro Rizal Rome ng Philippine Embassy at ng Università degli Studi di Napoli L'Orientale (Orientale University) na may suporta ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

May 75 mag-aaral at mga opisyal ang dumalo sa online launch ng kurso. Layon ng 12-hour online course na maituro sa mga Italyanong mag-aaral ang payak na wikang Filipino.

Nagsimula ang kurso noong April 19 at nagtatapos nitong May 31.

Si Prof. Jayson Petras, ang Director ng Sentro ng Wikang Filipino ng University of the Philippines - Diliman (UPD), ang nagsisilbing online program instructor.

1
PE Rome

Masaya namang tinanggap ni Philippine Ambassador-designate to Italy Neal Imperial ang language program.

Maganda anya ito upang magsilbing tulay ang pag-aaral ng wika upang mas lalo pang mapagtibay ang ugnayang pantao ng Pilipinas at Italya.

Kasama sa virtual launch ang mga opisyal ng Orientale University. Anila magandang simulain ang pagtuturo ng wikang Filipino sa Italya dahil sa dami ng mga Pinoy sa bansa.

Pinasalamatan din nila ang Philippine Embassy at Sentro Rizal Rome, NCCA at UPD sa pagbuo ng online program.

Ang Orientale University lang ang nag-iisang academic institution sa Italy na nag-aalok ng kurso sa wikang Filipino at may malawak na pag-aaral sa Austronesian languages.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Italy, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.